Gatchalian

Face-to-face classes mag-aangat sa literacy ng estudyante

August 31, 2022 People's Tonight 427 views

IGINIIT ni Senator Win Gatchalian na dapat ng ipatupad sa lahat ng paaralan ang face-to-face classes upang muling tumaas ang antas ng karunungan ng mga mag-aaral.

Sa kanyang pagdalo sa Kapihan sa Manila Hotel na pinamahalaan ng Kapisanan ng mga Social Media Broadcaster ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI), sinabi ni Gatchalian na kailangan na muling maibalik ang mataas na antas sa edukasyon ng mga estudyante na naapektuhan ng pandemiyang dulot ng COVID-19.

Ayon sa senador, mas natututukan ng guro ang estudyante kung harapan at mas napapalawak ang interaksyon kung saan nagkakaroon ng tiwala sa sarili ang bawat mag-aaral.

Nagbigay din ng payo si Gatchalian na dapat bigyang pansin ng mga guro ang pagtuturo mula Kindergarten hanggang Grade 3 dahil dapat ay marunong na silang magbasa kapag nakaabot na sa ganitong baitang.

Aniya, hindi dapat na ipasa ang estudyante kung hindi nakakabasa dahil mas lalo lamang silang mahihirapan sa mga susunod na baitang.

Sabi ng Senador, nakakalungkot lamang isipin na maraming guro ang napipilitang ipasa ang kanilang estudyante dahil lang sa “awa” kahit mababa ang literacy at reading comprehension ng estudyante.

AUTHOR PROFILE