Fabian ganap ng tropical storm

July 18, 2021 Melnie Ragasa-limena 300 views

INANUNSIYO ng PAGASA na ang sama ng panahon o weather disturbance sa northern Luzon na si Fabian ay isa nang ganap na tropical storm nitong Linggo ng madaling araw.

Sa latest weather bulletin na inilabas ng PAGASA, ang naturang bagyo na ikaanim sa bansa ngayong taon ay tuluyang naging ganap na tropical storm dakong alas-2:00 ng madaling araw nitong Linggo, July 18.

Ang sentro ni Fabian ay tinatayang nasa 1,100 kilometro east northeast ng Extreme Northern Luzon dakong alas-10:00 ng umaga, at bumabagtas sa north northwest habang may maximum na lakas ng hangin na 65 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugso na hanggang 80 kph.

Hindi naman inaasahang maghahatid ng malalakas na pag-ulan sa bansa si Fabian dahil mananatili itong malayo sa landmass ng bansa sa buong panahon ng forecast period.

Ayon sa PAGASA, si Fabian at isa pang Low Pressure Area (LPA) na namataan sa 740 km kanluran ng Basco, Batanes (labas ng PAR) ay kasalukuyan ring nagpapalakas sa southwest monsoon o habagat.

Ang Palawan, Occidental Mindoro, Zambales, at Bataan naman ay inaasahang makakaranas ng monsoon rains sa susunod na 24-oras.

Tinataya rin ng PAGASA na patuloy pa ring lalakas si Fabian ngayong Lunes ng hapon (July 19) at magiging severe tropical storm ngunit malayo pa rin sa kalupaan.

Tuluyan naman itong lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng Lunes ng gabi o Martes ng umaga, July 20.