‘F2F’ dapat lang masimulan

October 15, 2021 Paul M. Gutierrez 250 views

PaulPUMAYAG na si Pangulong Rodrigo Duterte sa hakbang ng Department of Education (DepEd) na masimulan ang pagsasagawa ng face-to-face (F2F) na klase sa mga piling lugar kung saan mababa ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19. Nasa 120 mga paaralan ang isasailalim sa pilot testing sa loob ng dalawang buwan.

Plano ng DepEd, paunti-unting ibalik ang mga mag-aaral sa mga eskwelahan. Dito lilimitahan ang pagpasok ng mga bata bilang bahagi ng blended learning.

Ibig sabihin, limitado pa rin ang kanilang pagpasok sa paaralan na nasa tatlong oras para sa mga nasa elementarya at apat na oras naman para sa mga nasa senior high school. Isasagawa ang face to face classes kada isang linggo o dalawang linggo sa loob ng isang buwan.

Lilimitahan din ang mga mag-aaral sa loob ng mga classroom para matiyak ang social distancing at kailangan munang makapasa ng mga safety assessment ng DepEd at lokal ng gobyerno.

Kakailanganin din masunod ang kinakailangang requirements ng Department of Health at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) para masunod ang health protocols.

Bagamat masasabi nating ‘risky’ ang ganitong hakbang lalo na’t hindi pa bakunado ang mga bata, masasabi nating it is worth the risk dahil makakatulong din ito sa mga bata na talaga namang malaki ang nawawala sa kanila kapag wala sa mga eskwelahan.

Aminin na natin na hindi lahat ng bahay ay conducive for learning para sa mga bata. At totoo na malaki ang nagiging epekto sa mental and physical health ng mga bata habang lalong tumatagal na wala sila sa mga paaralan.

Kailangan na nating matutunang mabuhay na naririyan ang COVID-19.

Alam natin na delikado at nakamamatay ang virus na ito subalit hindi natin dapat ikulong ang buhay natin sa takot sa virus na ito. Marami ang taong kailangan ding mabuhay at maghanap-buhay.

At kailangan ng mga bata ang eskwelahan para sa kanilang ikabubuti rin naman.

Kaya isang malaking hakbang pasulong ang pagpayag ni Pangulong Duterte na mabuksan sa mga piling paaralan ang pagbabalik ng mga mag-aaral.

Ang mahalaga ngayon ay may ginagawa ang gobyerno para matuto sa pagbubukas ng klase dahil sa totoo lang, marami talaga ang nahihirapan sa online classes dahil nangangailangan ito ng dagdag na gastusin sa mga pamilya, at syempre sa mga guro na rin.

Alam natin na malaki ang nagagawa ng pagbubukas ng mga paaralan sa ekonomiya.

Dahil kapag nandiyan na ang mga bata susunod ang maraming pangangailangan na nagbibigay oportunidad sa marami na makapaghanapbuhay.

Pero higit sa lahat, mahalaga na unti-unting maibalik din sa mga bata ang buhay nila sa eskwela na inagaw sa kanila ng pandemya.

***

Muling “gumawa ng kasaysayan” ang Bureau of Customs (BOC) sa ilalim ni Comm. Jagger Guerrero.

Ito ay bilang “kauna-unahang ahensiya” na nakapagbuo ng ‘anti-corruption committees’ sa lahat ng 17 collection districts ng nasasakupan nito, bukod pa ang isang ‘superbody’ laban sa korapsyon sa ahensiya, ang ‘BOC-PACC (Presidential Anti-Corruption Commission) Command Group.

‘Yun nga lang may natanggap tayong komento na isang importer ang “pinasuka” ng P7 milyon ng ilang mga “nagmamalinis” na opisyal ng Customs sa Port of Manila (POM) “kapalit” ang “pag-areglo” sa kanyang kargamento na pinagbintangan na ‘misdeclared.’

Ang mas masakit pa, matapos “mag-gaybi,” isinama pa rin sa listahan ng mga kinasuhan kamakailan sa DOJ, aguy, aguy, aguy!

‘Ansaklap talaga, hindi ba, dear readers? Nadugas, ehek, nakaltasan na ng P7 milyon, nakumpiska na ang kargamento at ngayon, delikado pang makulong dahil sa isinampang kaso ng smuggling sa DOJ, huhuhu!

AUTHOR PROFILE