F2F classes babalik na!

July 10, 2022 Vic Reyes 120 views

Vic ReyesBABALA sa mga ismagler at iba pang mandaraya diyan sa aduana, tumigil na kayo sa mga katarantaduhan ninyo dahil nakaupo na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Hindi niya papayagang sabotahihin ninyo ang kanyang six-year presidency na nagsimula pa lang noong tanghaling tapat ng Hunyo 30 (Huwebes).

Naniniwala tayo na may kalalagyan ang mga ismagler na nagtangka pang magpalusot ng mga kontrabando kahit na nakaupo na si Pangulong Marcos sa Malacanang.

Kagaya ng mga taong nasa likod ng shipment ng mga sigarilyo na natimbog ng mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Subic sa Zambales.

Ang mga kontrabandong sigarilyo, na nagkakahalaga ng P131.14 milyon, ay nakalagay sa tatlong container vans.

Nadiskubre ng mga tauhan ng Port of Subic at Intelligence Group (IG) ang mga sigarilyo noong Hulyo 4.

Ang mga sigarilyo ay nadiskubre pagkatapos ng “intensive profiling” at napaghinalaang naglalaman ang tatlong containers ng illicit na sigarilyo.

Nang idaan ito sa physical examination ay tumambad sa mga taga-BOC ang 3,160 master cases ng iba’t ibang brands ng sigarilyo.

Ang mga sigarilyo ay naka-consigned sa “Russhi Knish Consumer and Proline Logistics.”

Ayon sa reports, ang mga brand ng mga kumpiskadong sigarilyo ay hindi kasama sa Bureau of Internal (BIR) List of Registered Importers of Cigarette Brands.”

Pagkatapos na mapatunayan na naglalaman ng illicit cigarettes, ang mga shipment ay inisyuhan ng Warrant of Seizure and Detention (WSD).

Ang consignee ay kakasuhan ng paglabag sa NTA Memorandum Circular No. 03-Series of 2004, NTA Board Resolution No. 079-2005 at BIR Memorandum Circular No. 79-2022.

Mabuti naman at nahuli ang kontrabando. Matagal nang problema ang ismagling ng sigarilyo sa bansa. Siguro naman ngayon ay titigil na ang mga ismagler.

Siguradong maging ang mga ismagler ng agricultural products ay unti-unti ng malalagas dahil hindi sila titigilan ng administrasyong Marcos Jr., lalo pa’t nasa pamamahala ngayon ni PBBM ang Kagawaran ng Agrikultura.

Siguradong pati mga kasapakat ng mga ismagler sa DA ay mabibisto na.

Dapat lang!

***

Kahit pataas ang bilang ng mga kababayan nating tinatamaan ng nakakahawang coronavirus disease 2019 o COVID-19 ay hindi mapipigilan ang paglago ng ating ekonomiya.

Nakahanda ang makinarya ng gobyerno ni Pangulong Marcos at Bise Presidente Sara Duterte-Carpio na harapin ang challenges na dulot ng pandemya at iba pang problema.

Sa kalibre ng mga opisyal na nakatalaga sa ibat-ibang opisina ng gobyerno, naniniwala tayo na malalampasan natin ang mga problemang nagpapahirap sa buong mundo.

Lalo na ang COVID-19 at ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng halos lahat ng bilihin dulot ng “pagwawala” ng presyo ng gasolina, krudo at iba pang produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Sa totoo lang ay subsob sa trabaho ang economic team ni Pangulong Marcos, na pinamumunuan ni Finance Secretary Benjamin Diokno, bago pa man umupo sa Malakanyang si PBBM.

Kaya tama lang na inuna ni Pangulong Marcos ang pagbuo ng kanyang economic team.

Sa totoo lang, nagtatrabaho na sila bago pa man matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 30.

***

Mainam at babalik na ang “face-to-face” classes sa buong bansa.

Hindi gaganda ang quality ng edukasyon, lalo na sa mga paaralang pampubliko, kung mananatiling nasa labas ng silid-aralan ang mga estudyante.

Hindi rin naman puwedeng mananatiling guro ng mga bata ang mga magulang dahil kailangang guro ang magturo sa mga bata.

Marami pa ngang magulang ang “no read, no write.” Kawawa ang mga anak nila na napipilitang magpaturo sa mga kapitbahay na hindi rin natapos man lang ng elementarya.

Sa mga probinsiya nga ay kitang-kita ang mga batang naglalaro habang abala ang mga magulang o kapatid na sumasagot sa mga module na kailangang dalhin sa mga guro.

Alam ito nina Pangulong Marcos at Bise Presidente Sara Duterte-Carpio kaya gusto nilang bumalik na ang F2F classes sa mga paaralan sa buong Pilipinas.

Kung hindi ay baka lahat ng professionals o college graduates natin ay lumabas na “half-baked.”

Siguradong mapupunta sa kangkungan ang ating “manpower export industry” na isang malaking tulong sa ating ekonomiya.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE