EXO

EXO member bibida sa ‘Secret: Untold Melody’

February 26, 2025 Ian F. Fariñas 131 views

Isang musikero na mapipilitang tumigil sa pagtugtog ang muling mararamdaman ang pagmamahal sa musika nang marinig ang isang babaeng tumutugtog ng isang malambing na tugtugin. Lahat ng ito ay matutunghayan sa “Secret: Untold Melody,” na mapapanood na sa mga sinehan ngayong February 26.

Pelikula ng screenwriter-turned-director na si Seo You-min, ang “Secret: Untold Melody” ay isang romantic, fantasy-drama at remake ng 2007 Taiwanese movie na “Secret.”

Pinagbibidahan ito ng isa sa mga hinahangaang Korean aktres na si Won Jin-A at ng EXO boy band member at Korean heartthrob na si Doh Kyung-soo.

Kuwento ito ni Yu-jun (Doh Kyung-soo), isang piyanista na nag-aaral sa ibang bansa, pero dahil sa isang aksidente ay mapipilitang tumigil sa pagtugtog ng piano at babalik ng Korea para magpagaling.

Magiging exchange student siya sa isang kolehiyo kung saan nagtuturo ang kanyang tatay.

Isang araw, sa paglilibot niya sa eskuwelahan, makakarinig si Yu-jun ng musika na nangagaling sa lumang practice room. Pagpasok, dito niya makikita si Jung-a (Won Jin-a), kapwa estudyante at piyanista rin, na buong pusong tumutugtog ng piano.

Dahil parehas na mahilig sa musika at pagtugtog ng piano, magkakapalagayan ng loob at magkakalapit sina Yu-jun at Jung-a, at dahil madalas din silang magkasama, ‘di kalaunan ay mahuhulog sila sa isa’t isa.

Pero kahit na tunay at tapat ang nararamdaman nila, pipigilan ni Jung-a ang sarili at tatanggihan ang pagmamahal ni Yu-jun. May sikreto kasi sa kanyang pagkatao na hindi dapat malaman ni Yu-jun.

Ano kaya ang sikretong ito? Hanggang kailan nito gagawing miserable ang mga puso nila?

Panoorin kung paano ipaglaban ni Yu-jun si Jung-a, at kung paano nila harapin at kayanin ang lahat sa ngalan ng pag-ibig.

AUTHOR PROFILE