Default Thumbnail

Ex-sundalo pinag-huling hapunan ng killer sa QC

October 27, 2021 Melnie Ragasa-limena 352 views

BINARIL nang malapitan ang isang retiradong sundalo habang naghahapunan sa isang kainan sa Brgy. South Triangle, Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Isang tama ng bala sa batok ang ikinamatay ng biktimang nakilalang si Wilson Daniel, 57, retired enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP), tubong Malangas, Zamboanga del Sur at residente ng Purok 10, Brgy. Militar, Fort Magsaysay, Palayan City, Nueva Ecija.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-Kamuning Police Station 10, na pinamumunuan ni PLTCOL Alex Alberto, dakong alas-6:45 ng gabi (October 26) nang maganap ang krimen sa isang kainan sa kanto ng Sgt. Esguerra at Sct. Madriñan sa Brgy. South Triangle.

Kumakain lamang umano sa lugar ang biktima nang lapitan ng suspek at malapitang barilin sa batok bago mabilis na tumakas.

Sa salaysay naman ng tindera sa lugar, nakarinig na lamang siya ng putok ng baril at nang lingunin ang pinagmulan nito ay nakitang duguan nang nakahandusay ang biktima habang nagtatakbuhan naman ang mga tao sa lugar dahil sa takot na madamay sa krimen.

Agad namang inireport ng ilang saksi ang krimen sa mga awtoridad ngunit hindi na nila inabutang buhay ang biktima.

Narekober ng mga awtoridad mula sa dalang ng bag ng biktima ang isang kalibre .45 na baril at ilang magazine na loaded ng mga bala, kutsilyo, radyo, AFP ID card, lisensiya, passport at ilan pang mahahalagang gamit gaya ng mga legal documents, cellphone, P2,900 cash at susi ng sasakyan.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa nangyaring krimen.