EX-SOLON VS DU30
Mindanao napabayaan? Duterte, iba pang lider mula sa Mindanao wala bang ginawa? – Alejano
KINONTRA ni dating Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na napabayaan ang Mindanao, at iginiit na maraming lider ng bansa ang nagmula sa Mindanao gaya ni Duterte.
Nanawagan si Duterte na humiwalay ang Mindanao sa Pilipinas dahil napapabayaan umano ito ng gobyerno.
“‘Kawawa ang Mindanao.’ Eto ang naririnig natin kay Duterte mula noong nagkakampanya pa siya before the 2016 elections at ngayon bilang dating pangulo. He used and is still using the regionalism issue para galitin ang taga-Mindanao at para isulong ang kanyang interes,” ani Alejano, lider ng Magdalo.
Ayon kay Alejano, maraming lider ng bansa ang mula sa Mindanao kasama na si Duterte na anim na taong naging Pangulo ng bansa.
“Naka-six years na si Duterte as president of the country, tapos sabihin niya dami ng presidente ang nagdaan walang nangyari sa Mindanao? Ilang bilyon ba ang na-allocate sa distrito ni Pulong na anak niya? Ilang bilyon ba ang na-allocate ni Bong Go sa Mindanao as senator? Imbestigahan mo kaya? O ang Congress na lang mag-imbestiga,” sabi ni Alejano.
Ipinunto rin ni Alejano na maraming Senate President ang mula sa Mindanao, gaya ni Sen. Migz Zubiri.
Nariyan din umano si Vice President Sara Duterte at dating Vice President Teofisto Guingona Jr., na ipinanganak sa San Juan subalit lumaki sa Agusan, Lanao at Misamis Oriental.
“We also had speaker of the House from Mindanao in the person of Bebot Alvarez. ‘Di pa ba sapat na opportunity ito for Mindanao?” tanong ni Alejano.
Ipinunto ni Alejano na sa dami ng mga naging lider ng bansa mula sa Mindanao ay nangangahulugan ng mas maraming alokasyon para sa pag-unlad nito.
“It’s better to compare the budgetary allocations of the districts in Mindanao vis-a-vis the districts in Visayas and Luzon for the last, say, 20 years. Eto para makita talaga natin kung kawawa ba talaga ang Mindanao. For me, I don’t think that is the case,” sabi ni Alejano.
“Magaling siya dito, sa propaganda kaya huwag basta maniniwala,” dagdag pa ng dating mambabatas.
Naniniwala si Alejano na kung anu-ano ang pinalalabas ni Duterte diumano, dahil malapit ng matapos ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) at natatakot umano ito na papanagutin sa madugong war on drugs campaign ng kanyang administrasyon kung saan libu-libong Pilipino ang nasawi.
“Di ba natatakot lang ‘to si Digong sa imbestigasyon ng ICC at posibleng ‘pag aresto sa kanya kaya kung anu-ano na ang sinasabi? Dalawa lang na matinding isyu ang tingin ko na pinagmumulan nito; plan to unseat BBM para swak si Sara at ang isyu ng ICC,” sabi pa ni Alejano.