Ex-pulis Maynila patay sa ambush

October 22, 2021 Francis Naguit 303 views

PATAY ang isang dating pulis Maynila matapos pagbabarilin ng di pa nakikilalang mga suspek Huwebes ng hapon sa Sta Ana, Maynila.

Kinilala ang biktimang si P/ PSSG Gilbert Fabro Y Nazareno, 34, may asawa, AWOL na pulis at residente ng 2095-D Juan Luna St., sakop ng Brgy.149, Tondo, Maynila.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) upang matukoy kung ang mga suspek sa nasabing krimen. Sinasabing ang gunman ay nakaupo sa tabi ng driver ng itim na Toyota Fortuner na may plakang TUG -339.

Batay sa ulat ni Det. Dennis Suba, may hawak ng kaso, bandang 1:12 p.m. nang ratratin ng bala ang biktima sa loob puting Toyota -Hi – Ace (NDC-2774) sa parking lot ng Harmonic Seven Incorporated Building 1 sa tapat ng King Wings Snack sa 2543 Tejeron St., Sta.Ana.

Ayon sa imbestigasyon ni Suba na isinumite kay P/ Lt.Adonis Aguila , hepe ng MPD- Homicide Section, katatapos lang kumain ang biktima kasama ang asawa, one-year-old na anak at isang alyas ” Sky” sa King Wings Snack nang maganap ang ambush.

Sakay na sila ng Toyota Hi-Ace van nang tapatan sila ng gunman na lulan ng Toyota Fortuner at saka ito niratrat ng bala.

Nagawa naman ni alyas “Sky” na dalhin sa naturang King Wings Snack ang asawa’t anak ni Fabro.

Matapos ang krimen, mabilis na umalis ang sasakyan ng mga suspek patungong Tejeron sa Makati City at naiwang duguan ang biktima.

Agad naman at mabilis na naisugod sa Sta. Ana Hospital si Fabro subalit idineklara itong dead on arrival ni Dra. Wilma Peralta.

Narekober sa crime scene ang tatlong basyo ng bala mula sa kalibre 45 pistol. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE