Ex-major, driver timbog sa nawawalang beauty queen
Naaresto ng mga pulis sa CALABARZON nitong Sabado sa Balayan, Batangas ang dating PNP Major Allan de Castro at ang kanyang driver-bodyguard na si Jeffrey Magpantay.
Ang dalawa ay iniimbestigahan kaugnay sa pagkawala ng local beauty pageant contestant na si Catherine Camilon, na umano’y may dating relasyon kay De Castro.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 4-A, sina De Castro at Magpantay ay unang kinasuhan ng kidnapping at serious illegal detention noong 2023, ngunit ibinasura ang mga kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya. Bagaman sila’y pinalaya noong Mayo, patuloy silang mino-monitor ng mga awtoridad.
Ngayon, muling nahaharap sina De Castro at Magpantay sa parehong kaso, kung saan walang inirekomendang piyansa, alinsunod sa utos ng Batangas Regional Trial Court. Pinaninindigan ni De Castro ang kanyang pagiging inosente sa mga paratang.
Si Camilon, na huling nakita noong Oktubre 12, 2023, ay iniulat na kasama ng isang hindi pa nakikilalang tao at nakita sa iba’t ibang bayan sa Batangas. May mga saksi na nagsabing nakita si Camilon na inilipat sa ibang sasakyan noong araw ng kanyang pagkawala. Natagpuan ang mga hibla ng buhok at bahid ng dugo sa isang narekober na sasakyan, na tumugma sa DNA ng kanyang mga magulang.
Noong Enero 6, 2024, si De Castro ay sinibak sa serbisyo ng PRO4-A director na si Brigadier General Kenneth Paul T. Lucas matapos mapatunayang guilty ng Regional Internal Affairs Service 4-A sa kasong conduct unbecoming of a police officer.