Default Thumbnail

Ex-Ecija pulis wanted sa ‘tanim-ebidensya’ sumuko

May 25, 2023 Steve A. Gosuico 252 views

GAPAN CITY – Isang dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Nueva Ecija na may mga warrant of arrest na inisyu laban sa kanya kabilang ang criminal liability sa “tanim-ebidensya” umano ang kusang sumuko sa mga awtoridad dito nitong Miyerkules, Mayo 24.

Ayon kay City police head Lt. Col. Wilmar M. Binag, ang sumukong 44-anyos na dating pulis na may ranggong staff sergeant ay residente ng Barangay Malapit, San Isidro.

Sinabi ni Binag na ang mga miyembro ng warrant section ng Gapan police ang naging instrumento upang mapadali ang boluntaryong pagsuko ng suspek sa kanyang tanggapan, alas-11 ng umaga.

Aniya, ang dating alagad ng batas ay may mga arrest warrant para sa iba’t-ibang criminal offense tulad ng paglabag sa Article II Section 29 ng Republic Act (RA) 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 –Criminal Liability for Planting of Evidence) na walang inirekomendang piyansa at robbery with violence or intimidation of persons (Revised Penal Code [RPC], Article 294).

Ibinaba ng Gapan City Regional Trial Court, Branch 36 noong Mayo 18, 2023 ang arrest warrant na may itinakdang piyansa na P100,000.

Gayundin, nahaharap ang sumukong suspek sa isa pang kaso ng paglabag sa Article 183 ng RPC, as amended (Perjury) at arbitrary detention (RPC Art. 124) na parehong inisyu ng ang Gapan City Municipal Trial Court, Mayo 17, 2023 at may inirekomendang piyansa na P18,000 para sa bawat kaso.

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang naarestong suspek para sa kaukulang disposisyon.

AUTHOR PROFILE