Ex-convict balik bilanggo dahil sa pananaksak

August 27, 2021 Melnie Ragasa-limena 311 views

Balik-kulungan ang isang ex-convict matapos na saksakin ang dalawang Grab drivers na napagkamalan niya umano ang isa sa kanila na siyang nagsampa ng kaso sa kaniya nitong Huwebes ng gabi sa lungsod ng Quezon.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Raven Reyes Sajorda, 25, binata, Grab driver, at residente ng No. 9 BPI Compound, Visayas Ave., Vastra, Quezon City, at John Kenneth Barredo Ates, 27, may asawa, isa ring Grab driver, at naninirahan sa Lot 8, Blk 34 Bagong Silang, Caloocan City.

Agad namang naaresto ang suspek na si Michael Sabaulan Atienza, 40, may asawa, at residente ng No. 62 8A Cenacle Drive, Sitio Mabilog, Bgy. Culiat, Quezon City

Sa report ng Holy Spirit Police Station (PS-14) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-8:30 ng gabi (August 26), nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Cenacle Drive, Sitio Mabilog, Bgy. Culiat, Quezon City.

Napadaan umano si Sajorda sa Cenacle Drive nang biglang undayan ito ng saksak ng suspek pero mabilis namang nakaiwas ang Grab driver.

Sumunod namang napadaan ang ikalawang Grab driver na si Ates sa lugar na agad ding hinalihaw ng patalim ni Atienza.

Dahil dito ay bumagsak si Ates sa semento at bagamat duguan ay nagtatakbo ito patungong Visayas Avenue at humihingi ng saklolo.

Pero hinabol pa rin siya ng suspek habang sumisigaw ng “papatayin ko kayo mga Grab kayo, kahit magsumbong pa kayo kay Ben Tulfo.”

Subalit namataan ang suspek ng mga tanod sa Bgy. Culiat kaya agad na humingi ng police assistance.

Nang makita ng suspek ang mga paparating na pulis ay nagtangka pa itong magtago sa bubungan pero nadakma rin ito ng mga awtoridad.

Inihahanda na ang kasong 2 counts ng attempted homicide laban sa suspek.

Nabatid na dati nang nakulong ang suspek matapos umanong kasuhan ng isang Grab driver dahilan upang maghiganti ito.