Default Thumbnail

Ex-call center agent na naging crime gang leader, 4 pa nahuli

November 20, 2024 Edd Reyes 241 views

NALANSAG na ng pulisya ang kilabot na “Melor Criminal Gang” na sangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen sa Valenzuela City at kalapit na lungsod at lalawigan nang isa-isang madakip, kabilang ang kanilang lider, sa magkahiwalay na lugar sa Batangas at Valenzuela City .

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, lima sa anim na miyembro ng naturang grupo, kasama ang lider na si alyas “Melor”, 32, dating call center agent, ang kanila ng nadakip habang tinutugis ang huling kasapi ng gang na si alyas “Adan” na tulad ng kanyang mga kasama ay may nakabimbin ng warrant of arrest sa kasong robbery.

Sa ulat ni Col. Cayaban kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, una nilang nadakip noong Setyembre 16 si alyas “Apit” sa McArthur Highway, Karuhatan kasunod si alyas “Balog” noong Oktubre 6, sa Brgy. Lingunan habang si alyas “Atoy” ay natimbog sa Brgy. Maysan noong Oktubre 30, na pawang miyembto ng naturang grupo.

Nitong Nobyembre 15, nadakip nina P/Maj. Randy Llanderal, hepe ng Station Intelligence Section (SIS) ang lider ng grupo na si alyas “Melor” sa Fiesta Mall Compound, Brgy, Maraouy, Lipa City, Batangas sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 172 para sa kasong robbery na walang inirekomendang piyansa.

Pinakahuling nadakip ng mga tauhan ni Col. Cayaban ang 29-anyos na si alyas “Malaga” nitong Lunes, Nobyember 18, sa Bagong Filipino Compound, Brgy. Canumay West sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng RTC Branch 12 sa kaso ring robbery.

Sinabi ni Col. Cayaban na bago nila natimbog ang grupo, nagawa pa nilang makapag-holdap at makapagnakaw sa Malolos, Bulacan at Quezon City, habang nakapanloob din sa isang remitaance center sa Brgy. Canumay West at itinuturo ring suspek sa pagnanakaw at panghoholdap na nangyari sa mga Barangay Paso De Blas, Karuhatan, Lingunan, Gen. T. De Leon at Dalandanan.

Pawang nasa listahan ng “Most Wanted Person” ng NPD, Batangas, at Bulacan, ang naturang grupo na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Valenzuela Police Station habang hinihintay pa ang commitment order na ilalabas ng hukuman para sa paglilipat sa kanila sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

AUTHOR PROFILE