EXB

EX-B, Pinatibay ng isyu kay Ai-Ai

November 16, 2021 Ian F. Fariñas 153 views

HINDI lingid sa kaalaman ng grupong Ex-Battalion ang matagal nang isyu sa kanila — na sila’y mayayabang mula nang magkapangalan dahil sa hit single na Hayaan Mo Sila.

Lalo pang naging kontrobersyal ang hip hop group na kinabibilangan nina Brando, Honcho, Skusta Clee, Flow-G, King Badger, Emcee Rhenn, atbp., nang maging manager nila ang comedy concert queen na si Ai-Ai de las Alas at kalaunan ay bitawan sila nito.

Sa online mediacon para sa first major concert ng Ex-Battalion na pinamagatang Evoluxion, sinabi ng grupo na marami rin silang natutunan sa mga nangyari.

“Ang natutunan po namin du’n is ano, hindi sa lahat ng oras tama ’yung iniisip namin. Kaya nga kahit anong mangyari, ’di kami sasagot kahit alam namin sa ibang bagay may point kami,” anila.

Para sa Ex-B, tanda iyon ng pagpapakita ng respeto kaya kahit ano ay wala silang sinabi na anything against Ai-Ai.

Bagkus, mas nagpatibay pa raw ang pangyayari sa kanila bilang isang grupo, mas naging humble ang approach nila sa kahit na anong isyu.

Natuto rin daw silang isantabi na lang ang sinasabi ng publiko laban sa kanilang grupo dahil “alam namin kung ano ang totoo, kung sino kami, kung ano ang pagkatao namin, so ’yon.”

Produced nina RS Francisco at Sam Verzosa ng Frontrow, ang Evoluxion ay gaganapin sa Araneta Coliseum at ilang pang remote locations.

Tatagal ito ng tatlong oras sa ilalim ng musical direction ni Raul Mitra at live na mapapanood via streaming sa ktx.ph sa December 11, 8 p.m.

Available na ang tickets sa Frontrow Head Office.

AUTHOR PROFILE