EUA gamitin laban sa ASF, hiling kay PBBM
HINILING ng mga grupo ng hog farmer at swine industry ang tulong ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. upang kumbinsihin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na aprubahan na ang emergency use authorization (EUA) para sa bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) na mula sa Vietnam.
Sa sulat na ipinadala ni AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones kay Secretary Tiu Laurel, sinabi ng grupo na mas mainam na aprubahan na ang EUA sa halip na ipatupad ang Monitored Release (MR) na ipinagkaloob ng Food and Drugs Administration (FDA) sa mga supplier ng bakuna.
Hiniling din ng mga grupo kay Pangulong Marcos na ideklara bilang national emergency ang ASF outbreak upang maipatupad ang malawakang paggamit ng mga bakuna na ngayon isinasailalim sa controlled trial ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Batay sa definition ng US Food and Drug Administration, isang mekanismo na dinisenyo upang maging available at magamit ang medical countermeasures, kabilang na ang mga bakuna, sa panahon ng public health emergency ang EUA.
Ginamit ang mekanismong ito noong panahon ng COVID-19 pandemic na kung saan pinayagan ang paggamit ng mga bakunang hindi pa inaprubahan upang masawata ang mabilis na pagkalat ng virus.
Ayon kay Tiu Laurel, ang naturang awtorisasyon nakasalalay kay Pangulong Marcos kapag idineklara ang kasalukuyang ASF outbreak bilang national emergency.
“We will study their request, which will allow greater access to the ASF vaccine for backyard piggeries,” ani Tiu Laurel matapos ang pulong niya sa mga grupo.
Sinabi naman ng mga grupo na dati nang tinest ang katulad na bakuna sa Vietnam at dito Pilipinas at naging paborable naman ang resulta.
Binanggit pa ng mga grupo na sa isinagawang pagbabakuna ng DA at BAI sa Lobo, Batangas noong nakaraang buwan na mayroong 34 na biik na nagpakita ng 40 porsiyento ng antibody level ang mga ito.
Binigyang-diin ng mga grupo na aabot sa may 6.3 milyon na biik at mga fattener ang mababakunahan kapag pinayagan ang emergency use ng naturang bakuna.
Dahil dito, pawang makikinabang ang mga commercial and backyard hog raiser at may potensyal na makakabawi agad ang swine industry sa bansa.
Sinabi pa ng mga grupo na higit na makikinabang dito ang mga backyard farmer na siyang nag-aalaga ng may 3.8 milyon na biik at fattener.
Kabilang sa mga lumagda sa liham sa Pangulo ang Pork Producers Federation of the Philippines Inc., Cooperative Union of Batangas, SoroSoro Ibaba Development Cooperative, Luntian Multipurpose Cooperative, LIMCOMA Multipurpose Cooperative at Cavite Farmers Feedmilling and Marketing Cooperative.