Estudyanteng may depresyon dulot ng pandemiya, nagbigti

March 26, 2022 Edd Reyes 279 views

NABIGO ng mailigtas ng kanyang pamilya ang 21-anyos na estudyante na ilang ulit ng nagtangkang magpakamatay makaraang matagpuang nakabitin sa loob ng kanyang silid sa Navotas City.

Tinangka pang isugod ng kanyang mga magulang sa Tondo Medical Center ang biktima matapos patirin ang nylon na lubid na ipinulupot sa kanyang leeg habang itinali ang kabilang dulo sa kisame subalit patay na nang dumating sa naturang pagamutan.

Sa isinumiteng ulat ni Homicide Investigator P/SSgt. Philip Edgar Valera kay Navotas Police Chief P/Col. Dexter Ollaging, nangyari ang insidente ng pagpapatiwakal dakong alas-5 ng umaga ng Huwebes sa loob ng bahay ng biktima sa Kaunlaran Village.

Mismong ang ina ng estudyante ang nakadiskubre sa nakabiting katawan ng anak kaya’t kaagad siyang humingi ng tulong sa mga kasamahan sa bahay upang mapatid ang tali at maisugod sa pagamutan ang anak.

Ayon naman sa ama ng biktima, nagsimulang makaranas ng depresyon ang kanilang anak noon pang nakaraang taon sanhi ng pandemiyang dulot ng COVID-19 na dahilan upang hindi na siya dumalo sa online classes at magpamalas ng sobrang pagkalumbay.

Isinangguni aniya nila sa isang psychiatrist ang anak upang isailalim sa counselling matapos ang ilang ulit na pagtatangkang wakasan ang kanyang buhay sa pag-asang magbalik muli sa sariling katinuan ang anak.

Nakasaad sa ulat ni Sgt. Valera na hindi na iprinoseso ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang silid kung saan natagpuan ang nakabiting bangkay ng biktima dahil kontaminado na aniya ito matapos isugod sa pagamutan ang biktima ng kanyang pamilya.

AUTHOR PROFILE