Posas

Estudyante timbog sa pagnanakaw, kasama nakatakas

October 16, 2023 Melnie Ragasa-limena 138 views

ARESTADO ang isang estudyante at nakatakas ang isa pang suspek nang pagnakawan umano nila ang isang travel agency noong Linggo sa Quezon City.

Nahaharap sa kasong robbery ang suspek na si Jiro Matutino, 18, ng 74 FD Yabut St., Brgy. 52, Caloocan City habang pinaghahanap ang kasama niya na si Jervie Cayao, ng Alley 3, Fishpond, Brgy. Maypajo, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District-Station 2, nadiskubre ang pagnanakaw sa PAPH Travel and Tours sa Roosevelt St., Brgy. Paraiso dakong alas 8:00 ng umaga noong Linggo.

Ayon kay Jessalyn Lazaro, admin staff ng travel agency, nagulat na lang siya nang makitang nagkalat ang mga gamit sa kanilang opisina.

Doon niya nalaman na nawawala ang dalawang laptop, cellphone at cash na aabot sa P500,000.

Nang panoorin ang CCTV, doon na nakilala ang mga suspek na pumasok sa likurang sliding window ng opisina.

Agad na humingi ng responde si Lazaro sa mga pulis na nagresulta sa pagkakatimbog kay Matutino.