Estate tax ng ina nyo!

March 28, 2022 Allan L. Encarnacion 254 views

Allan EncarnacionANG positibong nangyari sa buhay ko kumpara sa ibang tao, walang naghahabol sa akin para magbayad ng estate tax!

Mabuti na lang, maliban sa makapal na libag ko sa katawan, walang naipamanang lupa ang aking mga pumanaw na ama’t ina.

Kung nagkataon, baka kasama ako ni BBM sa mga hinahabol ng P203B buwis mula sa kanyang mga minana.

Ang problema lang sa isyu ng estate tax ni BBM, mukhang wala pa man siyang pormal na namamana, may utang na siya.

Tanong, paanong makakapagmana ang isang taong pinalayas ang buong pamilya at hindi pa nakuntento ay kinuha pa ang mga ari-arian?

Nakalimutan na ata natin na Day 1 pa lang ni Cory noong 1986 matapos ang people power, kinuha na lahat ng Marcos property sa tulong ng mandato ng Philippine Commission on Good Government o PCGG?

Mula sa salawal hanggang ginto ng Diwalwal ay walang itinira ang Cory government kaya hindi ko naman malaman saan at paano nagkaroon ng kuwentang P203 billion estate tax na utang si BBM.

Sa loob ng mahigit 30 years, hindi lang ata 900 na kaso ang isinampa ng Cory government laban sa mga Marcoses. Sangkatutak na rin ang nadismis at may mga desisyon na ang korte na nagbalik sa ibang propyedad sa pamilya Marcos.

Ano ba ang tamang proseso sa pagkulekta ng estate tax? Hindi ba dapat tukuyin muna kung anu-ano ang mga ari-arian ang mga ito or alin ang mga nabawi para malaman kung magkano ang halaga nito at magkano ang karampatang buwis?

Sino ba namang kababayan natin ang hindi matutuwa kung totoo ngang makukulekta ang P203B na gagamitin sa public service? Dahil puro numero lang inilalabas ng BIR pero walang binabanggit na detalye, ang tingin ko rito ay isang pampalundag lang na propaganda pa lang ito.

Anong detalye ba ang ibig kong sabinin? Halimbawa, si BBM ay nakapagmana ng Olot, Leyte property, kunin natin ang actual fair market value or zonal valuation tapos sabihin natin ang percentage ng estate tax na dapat ibayad dito. Halimbawa lang, P200 million ang halaga ng Olot property, kung 10% or P20M ang state tax nito, iyon ang singilin natin. Pero alam ko may enacted law si Sen Sonny Angara na 6% na lang ang estate tax.

Kung ilan, kung anu-anong property, kung magkano at kung saan-saan ang mga ito, wala namang tinutukoy ang BIR.

Hindi rin malinaw kung ano status ng mga kasong ito kaya wala tayong makitang konkretong pinaghuhugutan ng halagang P203B.

Kasi kung P203B ang estate tax, ibig sabihin mahigit P1 trillion ang pinag-uusapang properties na parang ang hirap namang hanapin kahit sa kandungan ni Bathala!

Kuwentas-klaras muna tayo para maniwala kami na hindi ito bahagi ng election propaganda ang naglalabasang mga balita ng utang sa estate tax.

Mas gusto kong marinig na kaya nyong inilalabas ang mga detalye nito para maniwala kaming nagmamalasakit kayo sa bayan at hindi lang nagmamanok kayo ng ibang kandidato.

Estate tax ng ina naman, oh!

allanpunglo@gmail.com