Eskinita sa Navotas niyanig ng pagsabog

April 23, 2022 Edd Reyes 114 views

NIYANIG ng malakas na pagsabog ang mga naninirahan sa isang eskinita na kalaunan ay natuklasang likha ng inihagis na “pill box” bomb, Biyernes ng hapon sa Navotas City.

Dahil dito’y iniutos kaagad ni Navotas Police Chief P/Col. Dexter Ollaging kay P/Maj. Felix Venancio Rivera, ang hepe ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) na magsagawa ng pagsisiyasat sa naturang insidente upang alamin kung sino ang may kagagawan ng paghahagis ng pill box bomb at kung ano ang motibo rito.

Kasama ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Division (EOD), Intelligence Section at San Roque Police Sub-Station, nagtungo ang grupo ng mga pulis sa naturang lugar at dito nila nakita ang hindi naman kalakihang pinsala na idinulot ng pagsabog.

Sa ulat naman ni P/Lt. Luis Rufo, OIC (Officer-in-Charge) ng Intelligence Section kay Col. Ollaging, walang iniulat na nasaktan sa naturang insidente bagama’t inaalam pa nila kung sino ang may kagagawan sa paghahagis ng pill box bomb na posibleng mai-uugnay sa riot ng mga magkakalabang gang ng mga kabataan sa lugar.

AUTHOR PROFILE