Rodriguez

ES Rodriguez nagbanta vs sugar hoarders

August 18, 2022 Paul M. Gutierrez 456 views

Sugar

Sugar1
ASUKAL HOARD — Iniinspeksyon nina Bureau of Customs Deputy Commissioner Edward James Dy-Buco at Field Inspection Chief Maita Del Rosario-Nucup ang daan daang sako ng pinong asukal o refined sugar na pinaniniwalaang kasama sa malaking shipment ng smuggled agricultural products mula Thailand. Ito ay bahagi lamang ng libong sako ng locally-produced sugar, bigas at arina na nadiskubre sa San Fernando, Pampanga sa serye ng visitorial inspections ginawa ng BOC operatives at local police sa mga bodega sa Pampanga at Bulacan alinsunod sa direktiba ni Executive Secretary Victor Rodriguez.

Palasyo ‘nagsampol’ vs mga nagtatago ng asukal

DALAWANG warehouse sa San Jose Del Monte City, Bulacan at San Fernando City, Pampanga, ang magkasunod na sinalakay ng Bureau of Customs (BOC) nitong Miyerkules at Huwebes, matapos ipag-utos ni Executive Secretary Atty. Victor Rodriguez na tiyaking may sapat na suplay ng asukal sa bansa, batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Sa inilabas na pahayag ng Palasyo nitong Huwebes, inatasan ni Rodriguez ang BOC na gamitin ang ‘visitorial power’ nito laban sa mga trader na iligal na nag-iimbak (hoarding) ng mga produktong agrikultura, partikular na ang asukal, upang manatiling mataas ang presyo nito sa pamilihan.

Gamit ang ‘LOA’ (letter of authority) na pirmado ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, unang binisita noong Miyerkules ng BOC Intelligence at Enforcement Group (IG/EG) sa pangunguna ni IG officer in charge, Dir. Joeffrey Tacio, ang isang warehouse sa Bgy. Kaypian, San Jose Del Monte, kung saan aabot sa may 30,000 sako ng asukal ang nadatnan ng mga operatiba.

Sumunod na araw, daan-daan ding mga sako ng asukal mula sa Thailand ang nakita ng BOC sa isa pang warehouse sa Bgy. Del Pilar, San Fernando City, kasama ang iba pang hinihinalang ‘smuggled imported goods.’

Sa ulat ni Tacio kay Ruiz, bibigyan ng sapat na pananon ang mga may-ari ng asukal upang patunayan na hindi pinalusot ang mga ito mula sa labas ng bansa o iligal na iniimbak na isang paglabag sa batas, bago kumpiskahin pabor sa gobyerno.

Ani Rodriguez, dapat maging babala sa mga traders at negosyante na nagtatago ng asukal at iba pang mga produktong pang-agrikultura ang mga nasabing operasyon na seryoso si PBBM na buwagin ang mga sindikatong nagtatago ng suplay ng mga produkto upang manatiling mataas ang presyo ng mga ito sa merkado at mabigyang katwiran ang pag-aangkat, partikular na ang asukal.

Una nang ibinisto ni Rodriguez kay PBBM ang tangkang pagpapalusot ng mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) sa ‘Sugar Order No. 4’ na inilabas ng SRA board nitong Agosto 9, na nagpapahintulot sa pag-aangkat ng 300,000 tonelada ng asukal.

Ang SO-4 ay “iligal” dahil wala itong pahintulot ni PBBM, ayon na rin kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles at napigilan dahil na rin sa pagiging alerto ni Rodriguez.

Ayon pa rin sa pahayag ni Rodriguez, “maniobra” umano ng ilang traders ang SO-4 upang mailabas sa merkado ang kanilang mga inimbak na suplay ng asukal na hindi magpapabagsak sa presyo nito.

Aniya pa, iniimbestigahan din ng kanyang tanggapan, sa utos ni PBBM, ang impormasyon na aabot sa P300 milyon ang kikitain ng mga traders na nasa likod ng SO-4 kung saan bahagi nito ay inilaan bilang “tongpats” (‘lobby money’) para sa ilang opisyal ng gobyerno.

Ayon pa sa Palasyo, aabot sa higit P200 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang asukal. Nina PAUL M. GUTIERREZ & ANCHIT MASANGCAY

AUTHOR PROFILE