Eric

Erik, masaya para kay Angeline

December 4, 2021 Vinia Vivar 231 views

Bilang isang singer/performer, aminado si Erik Santos na isa siya sa mga greatly affected ng pandemic dahil bawal nga ang live concerts and events na siyang main source of income nila.

Mabuti na lang daw at may savings siya kaya nakaka-survive sila mula nang nagsimula ang pandemic.

“Salamat sa Diyos kasi napaka-importante po talaga ng may naipon ka. Napakaimportante ng marunong kang maghawak ng pera,” ani Erik nang makatsikahan namin sa launching ng kanyang bagong Christmas single na Paskong Kayakap Ka.

Nakuha raw niya sa mga magulang niya ang pagiging smart spender.

“So, nagpapasalamat po ako kasi kung nagwaldas po ako before, siguro, medyo, hirap din po siguro ako ngayon. Pero dahil nga sa ‘yun nga, kahit paano, may naipon, hindi po naging ganu’n kahirap para sa amin.

“Especially sa akin na I provide for my own family. I am the breadwinner, so ako po talaga ang inaasahan ng lahat sa amin. So, maraming salamat kasi at least, may naipon po tayo kahit paano,” aniya.

Pero tulad ng iba na nakaranas ng anxiety because of the pandemic, ani Erik, pinagdaanan din niya ito.

“Ang hirap, eh. Kasi for someone na talagang busy talaga, alam mo ‘yun na ang dami-daming ginagawa, biglang nahinto. So, nagkaroon ako ng parang anxiety. Tulad ng ibang tao rin na mga kakilala ko sa industriya na nagkaroon din sila ng anxiety,” pag-amin ni Erik.

Ngayon ay medyo okay na siya at naka-adjust na. Kaya nga masaya siya na unti-unti na ring bumabalik sa dati ang lahat at tulad nga ngayon ay nakapag-release ulit siya ng bagong single.

Dahil nga ang title ng bago niyang single ay Paskong Kayakap Ka, natanong namin si Erik kung sino ang kayakap niya ngayong Pasko.

Natawa ang singer at sey niya, wala nga raw dahil loveless pa rin siya.

Medyo matagal-tagal na raw siyang loveless at meron naman daw siyang mga nagugustuhan pero talaga raw sigurong hindi pa ukol.

Simple lang naman daw ang gusto niya sa isang babae. “’Yung mamahalin talaga ako at mamahalin ko rin at the same time. ‘Yung grabe ‘yung faith niya kay God, kailangan pareho kami ng faith, kailangan pareho kami ng values in life and ‘yung mamahalin din ang pamilya ko.”

Nahingan ng comment si Erik tungkol sa boyfriend ni Angeline Quinto.

Ayon kay Erik ay nag-open-up naman sa kanya si Angeline tungkol dito at masaya siya para sa ex-GF.

“Okay naman po. Wala naman pong problema. Saka kami naman po ni Angeline, na-build na namin ‘yung friendship namin na kahit anong mangyari, palagi kaming nandiyan para sa isa’t isa.

“So, kahit may mga ganu’ng pagsubok na tulad nu’n, hindi naman pagsubok, pero siyempre, lahat naman tayo, kailangan ng romance, ’di ba? It so happened na nauna siya kesa sa akin,” he said.

Anyway, very timely naman ang Christmas single ni Erik under Star Music composed by Jonathan Manalo.

“Dahil sa pandemya, maraming tao tayong nami-miss at gustong makasama at mayakap na matagal na nating hindi nakikita — Kapamilya, malalapit na kaibigan, kasintahan at mga mahal sa buhay,” sey ni Erik.

Nito lang Oktubre, inilabas ng King of OPM Theme Songs ang bersyon niya ng worship song na Sigaw Ng Puso tungkol sa pagsunod sa plano ng Diyos sa kabila ng maraming unos sa buhay.

Regular siyang napapanood bilang host at performer sa ASAP Natin ‘To.

Mapapakinggan ang Paskong Kayakap Ka ni Erik sa ABS-CBN Star Music YouTube channel at sa iba’t bang digital music platforms.

AUTHOR PROFILE