Entry sa MMFF50, ideya ni Ate Vi
Si Vilma Santos pala mismo ang nag-isip ng kwento ng pelikulang “Uninvited,” isa sa official entries sa 50th Metro Manila Film Festival.
Ayon sa Star for All Seasons, matagal na niya itong dream movie na ang kwento ay naganap lamang sa loob ng 24 hours o isang araw.
“’Yung ‘Uninvited,’” kwento ni Ate Vi sa ginanap na grand mediacon, “ito po ‘yung dream story ko talaga. Kung titingnan n’yo po ‘yung interviews ko noong araw, may mga interview po ako na sinabi, ‘Vi, kung magdidirek ka, ano ‘yung gusto mong gawin?’
“Matagal ko na pong sinabi ‘to na gusto kong gumawa ng isang pelikula na nangyari lamang ng 24 hours. Na mag-uumpisa siyang maganda, matatapos siya na mukhang delapidated na siya. ‘Yun ang gusto ko. Hindi ko alam ‘yung gitna.”
Ang grupo na ni Direk Dan Villegas (the director and co-producer of the film) ang nagbuo ng istorya.
Nagsisilbing reunion film din ito nina Aga at Vilma after 30 years. Una silang nagkasama sa “Sinungaling Mong Puso” noong 1992, na nasundan ng “Nag-iisang Bituin” in 1994.
Ayon kay Ate Vi, nang nagka-casting na ang production para sa mga makakasama sa film, si Aga lang talaga ang naisip na perfect for the role of Gilly.
“Nu’ng ni-lay-out na nila ‘yung istorya, hindi talaga madali at talagang importante ‘yung mga characters du’n sa movie para maging epektibo.
“Nu’ng nabuo na ito, nag-usap na kami nina direk, ng team, wala talagang ibang choice to play Gilly kung hindi right away, ang isang unang pangalan na ibinagsak – Aga Muhlach,” kwento ng Star for All Seasons.
Tumawag daw agad sa kanya si Aga at tinanong siya kung gagawa sila talaga ng movie.
“Sabi ko, ‘oo, Aga, tanggapin mo dahil kung hindi, isosoli ko na ‘yung kandila bilang ninang n’yo ni Charlene sa kasal,’” natatawang tsika ni Ate Vi.
Isa pang ikina-excite pa niya ay nang umoo si Nadine Lustre na first time niyang makakatrabaho.
“’Yung talagang napa-excite na talagang sabi ko, ‘gawin na, mag-shooting na,’ when I learned also na umoo si Nadine,” sey ng Star for All Seasons.
“Malaking bagay sa akin ‘yun na talagang nakasama ko si Aga and si Nadine.
“And then, while preparing for the shoot, nalaman ko pa kung gaano kabibigat ‘yung mga artistang makakasama namin sa movie.
“So, the whole time I was doing the movie, kahit na I was feeling bad, nagkakasakit na ‘ko, tuloy pa rin, kasi na-inspire at na-in-love ako sa ‘Uninvited,’” pahayag ng aktres.
Ang “Uninvited” ay magsisimulang ipalabas sa Disyembre 25 mula sa Mentorque Productions ni Bryan Diamante at Project 8 Projects sa pakikipagtulungan ng Warner Bros. Pictures.