Gatchalian

Energy transition ng PH muling itinulak ni Sen. Win

July 18, 2024 Camille P. Balagtas 117 views

MULING itinulak ni Sen. Sherwin Gatchalian ang energy transition ng Pilipinas sa likod ng pangunguna pa rin ang coal sa mga pinagkukunan ng enerhiya ng bansa.

Sa katunayan, nalampasan na ng Pilipinas ang Indonesia at China sa pagiging coal-dependent, ayon sa senador.

“Mahalaga ang energy transition dahil ito na rin ang direksyon ng bansa pagdating sa maaasahan at mas murang halaga ng kuryente,” sabi ni Gatchalian.

Kasunod ng datos mula sa energy think tank na Ember, sinabi ni Gatchalian na mahalagang magkaroon ng hakbang para sa panukalang batas na energy transition na siyang magtutulak sa bansa patungo sa layunin nitong palakasin ang pag-asa sa green energy.

Ipinakita ng datos ng Ember na nalagpasan na ng Pilipinas ang Indonesia at China sa pagiging dependent sa coal-fired power. Patunay dito ang pagtaas ng share ng coal sa electricity generation sa nakalipas na 15 taon noong 2023 sa kabila ng target ng bansa na bawasan ang paggamit nito.

Sinabi ni Gatchalian na mula Enero hanggang Hunyo 2024, ang average generation charge ng Meralco sa coal P7.4 per kilowatt hour kumpara sa P4.18 per kWh sa solar o may rate difference na humigit-kumulang 44 porsyento.

Nauna nang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 157 o ang Energy Transition Act na bubuo ng isang Energy Transition Plan upang makamit ang phaseout ng fossil fuel plants at net zero emissions pagsapit ng 2050.

Dagdag pa ni Gatchalian, ang isang panukala para sa energy transition ang makakatulong sa bansa na makamit ang layunin nitong tanggalin na ang coal sa energy mix pagdating ng 2050.

Binigyang-diin din niya na ang isang energy transition plan makatutulong upang mapabilis ang paggamit ng renewable energy sources.