Ella

Ella, iniyakan ang isyu ng ‘history is like tsismis’

July 18, 2022 Ian F. Fariñas 510 views

INAMIN ni Ella Cruz na iniyakan niya ang “history is like tsismis” controversy na kinasangkutan niya kamakailan sa katatapos na grand mediacon ng pelikulang Maid in Malacañang ng Viva Films at VinCentiments.

Sinabi ng aktres na wala siyang ideya na mangyayari ang ganu’n nang bitawan ang pinag-usapan niyang pahayag.

“It was so unexpected,” diin ni Ella.

Iniyakan daw niya iyon hindi dahil sa mga nabasa o narinig niyang pamba-bash sa kanya online kundi dahil sa mga hindi niya inaasahan na magbibigay ng pahayag nila.

“Pero alam n’yo po ’yon, may mga nangyaring hindi maganda at the same time may mga nangyaring maganda po sa experience ko na ’yon. Lumabas ang mga tunay kong kaibigan, lumabas ang mga tunay na sumusuporta at nagmamahal po sa akin. And ’yun naman po ’yung naging blessing ng pangyayari na ’yon,” kwento ng aktres na gumaganap sa karakter ni Irene Marcos, ang bunsong anak ng dating Presidente Ferdinand Marcos at dating Unang Ginang Imelda Marcos.

Marami raw siyang leksyon na natutunan sa pangyayari, pero mas gusto ni Ella na sarilinin na lamang ang mga ito.

Labis din ang pasasalamat niya sa Maid in Malacañang director na si Darryl Yap dahil nasa likod niya ito lagi para sumuporta.

“Sobra talaga (ang pasasalamat ko kay Direk Darryl). As in bawat galaw ko, sabi niya ‘akong bahala sa ’yo.’ Sobrang thankful ko na merong direktor na katulad niya na ’di niya pinabayaan ang artist niya,” patuloy niya.

Maging sa shoot, hindi rin sila pinabayaan ng direktor dahil sabi nga ni Ella, lahat ng miyembro ng cast, kabado dahil hindi ito basta-bastang movie lang.

Napakalaki ng cast nito na kinabibilangan ng malalaking artista gaya nina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Diego Loyzaga, Robin Padilla, Elizabeth Oropesa, Karla Estrada, Beverly Salviejo, Kiko Estrada at marami pang iba.

“Isa po itong malaking pelikula at totoong mga tao ang ginampanan namin dito at siyempre po ay very historical po sila. ’Yun, sobrang pressure po, pero sana po magustuhan ng lahat,” aniya pa.

Kauna-unahang project ito ni Ella na ipapalabas sa iba’t ibang sulok ng mundo kaya naman sobrang blessed at proud siya na mapapanood na ito ng ating mga kababayan simula sa August 3.

Kasabay ng grand mediacon ang pagpapalabas ng opisyal na trailer ng Maid in Malacañang na umani ng milyun-milyong views sa iba’t ibang socmed platforms ilang oras matapos ma-upload.

Sa July 29 nakatakdang ganapin ang premiere night ng pelikula na ngayon pa lamang ay inaabangan na parts two and three dahil sabi nga ni Direk Darryl, ang original plan dito ay gawin itong isang trilogy.

“Feeling ko po, pagkalabas po ng logo ng Viva may mga nakataas nang kilay pagkatapos kailangan nilang magpamasahe para maibaba ito. Hanggang sa dulo po ’yan,” anang direktor.

Dugtong niya, “Sa palagay ko, hindi lang po kilay ang tataas kundi maging ang pinaglalaban ng pamilyang Marcos noon pa. ’Yung damdaming nasyonalismo, pagmamahal sa bayan at higit sa lahat, pagmamahal sa pamilya. ’Yun po ang mga tataas din.”

Para naman kay Viva big boss Vic del Rosario, kailangang magdala ng panyo sa mga sinehan dahil siguradong maiiyak ang manonood sa ganda ng istorya nito.

“More than the bigness (of the movie), ’yung kwento, palagay ko, kelangan magdala sila ng panyo at maiiyak sila. It’s a nice movie,” ani Boss Vic.

AUTHOR PROFILE