Eleksyon 2022: ‘Only in da Pilipins!

November 15, 2021 Paul M. Gutierrez 95 views

PaulIKINATUWA natin ang naging desisyon ni dating Chief PNP Guillermo Eleazar sa pagtakbo sa Senado. At syempre, isang karangalan sa atin na matapos niyang ipasa ang kaniyang Certificate of Candidacy sa Commission on Elections kahapon ay agad itong nagtungo sa National Press Club at doon hinarap ang media.

Maliban sa kaibigan nating tunay ay talaga namang kilalang-kilala ng publiko si Eleazar sa kaniyang performance at serbisyo. Hindi maikakaila na malaki ang naging ambag ni Eleazar upang maibalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan. Naging posible lamang ito dahil sa lideratong kaniyang ipinakita.

Sa hindi naging magandang reputasyon ng kapulisan sa publiko dahil sa sari-saring mga kinasasangkutan ng mga ito, ginawa ni Eleazar ang kaniyang trabaho para ituwid ang mga mali sa Philippine National Police (PNP) kahit na sa harap ng media o publiko. Kahit na ulanin siya ng batikos pero ipinakita niya na hindi uubra sa kaniya ang mga kalokohan sa hanay ng pulisya.

Maliban dito sa napakaraming pagkakataon, talaga namang napatunayan ni Eleazar ang kaniyang respeto sa media. Hindi nahirapan ang media sa kaniya at laging nandyan at handang sumagot sa mga katanungan.

Hindi katulad ng mga ibang naging PNP Chief at iba pang opisyal ng PNP na para bang kaaway ang turing sa media. Pinatunayan ni Eleazar na hindi magkabangga ang interes ng pulis at media pagdating sa serbisyo publiko. Sa usapin pa lamang na ito, mahirap nang tapatan ang ginawa ni Eleazar.

Kaya naman nakatitiyak tayo na may sasali sa eleksiyon na matino. Hindi mga tradisyunal na politiko na matagal nang nasa puwesto pero nganga pa rin tayo sa serbisyo.

Dahil alam natin kung paano magtrabaho itong si Eleazar at makatitiyak tayo na magta-trabaho ito at hindi magpapalaki tiyan at bulsa sa puwesto.

Inaasahan natin na magpapasa ito ng mga batas na susuporta sa propesyon natin sa media dahil alam din ni Eleazar ang problema sa hanay natin.

Alam niya ang kahirapan ng ating trabaho. Batid niya kung bakit nagpapagamit ang ibang mga media sa mga politiko lalo na ngayong eleksiyon dahil sa hirap ng buhay lalo na sa mga probinsya at syempre ang panganib na dala nito sa kanila.

Pero sa kabila nang magandang balitang ito ay mayroon naman tayong hindi ikinatuwa.

Nagulat tayo ng lahat at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natin maunawaan ang naging desisyon nila Presidente Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte na maglaban sa pagka-Bise Presidente.

Bagama’t inaasahan na natin ang mga substitution na magaganap, ito na marahil ang hindi natin inaasahan.

Sa kadahilanang magpapalakas lamang ito sa hanay ng oposisyon, sa madaling salita manghahati lamang sa administrasyon. Tiyak ang hatian sa boto ng mag-ama.

Alam natin na parehong sinsero sa paglilingkod ang dalawa at hindi matatawaran ang kanilang naging serbisyo sa Davao at sa Pilipinas.

Ito ay mga hindi kinakailangan o unnecessary sa kasalukuyang takbo ng politika sa bansa. Pero naiintindihan natin na pareho nilang iniisip kung ano ang mabuti para sa bansa.

Subalit sa ganang atin ay hindi nakatutulong ang ganitong desisyon bagkus ay nakagugulo lalo na sa mga taga-suporta ng Pangulo.

Pero gayunpaman, sa ating tingin ay isa sa kanila ang malaki ang tsansa na mananalo sa pagka-bise presidente sa taas ng ratings nila sa mga survey at siyempre sa naging performance nila sa kani-kanilang puwesto.

Kaya naman kapit lang tayo sa magiging takbo ng halalan dahil sadyang kakaiba ang sitwasyon ng halalan ngayon.

May kasabihan nga tayo na “Only in the Philippines!”

AUTHOR PROFILE