Eleazar sasabak sa pulitika?

September 4, 2021 Marlon Purification 386 views

Marlon PurificationLUMALAKAS ang panawagan na pumasok sa public office si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar.

May nagsasabing malakas ito kung tatakbo sa pagka-senador, samantalang may nananawagan naman na puwede itong tumakbo kahit sa pampanguluhan o ikalawang pangulo pa ng bansa.

Sabagay, sa ganda ng performance ni Guillor bilang magiting na alagad ng batas, hindi malayong mayorya ng Pilipino ang humahanga sa kanya at magtitiwalang iboboto ito sakaling tumakbo sa kahit anumang posisyon sa pulitika.

Miyembro ng Hinirang Class of 1987 ng Philippine Military Academy(PMA), naging makulay ang 34 na taong serbisyo nito sa bansa.

Maayos nitong nagampanan ang pagiging director ng Quezon City Police District (QCPD), regional director ng CALABARZON-PNP, naging NCRPO chief, PNP directorial chief of staff, PNP deputy chief for operations hanggang marating ang inaasam na four-star general post na pinuno ng pambansang pulisya.

Kung performance ang pag-uusapan, walang masabi ang publiko sa kanya.

Alam ng 220,000 strong force ng PNP ang pagiging disciplinarian nito. Basta bulok, abusado, kotongero at sangganong pulis ay tiyak na may paglalagyan kay Guillor.

Pero kung ikaw naman ay mabuti, magiting at marangal na parak na gumaganap ng sinumpaang tungkulin, tiyak na ika’y sasaluduhan at bibigyang papuri ng PNP chief.

Tubong Tagkawayan, Quezon si Eleazar. Lumaking mabuting anak, tapat na asawa at ulirang ama sa kanyang mga anak. Na kahit anong busy nito sa trabaho – mula sa pagiging batang tenyente taong 1987, hanggang ngayon ay hindi maiaalis ang pagiging mapagmahal sa kanyang pamilya.

Ganito rin ang dedikasyon ni Guilor sa trabaho – ipatupad ang tama at sinserong magsilbi sa taumbayan.

Isa si Guillor sa sinasabing PNP chief na tunay na ‘Darling of the Press.’

Marunong itong makisama sa lahat ng media – sikat man sila o maliliit na mamamahayag – at anumang oras ay nakahandang ipaliwanag sa publiko ang mga isyung dapat sagutin ng pamunuan ng PNP.

Sa mga ganitong uri gawi at iba-ibang accomplishments ni Guillor, naniniwala tayong angkop ang kanyang kagalingan, katalinuhan, katapatan at sinserong paglilingkod sa bayan para maging halal ng bayan.

Ang tanong na lang ay ano ang gagawin nito gayung October 1-8 na ang filing ng certificate of candidacy at sa November 13 pa ang kanyang mandatory retirement?

Maaga pa siyang magreretiro para sumabak sa pulitika?

O tapusin niya ito at baka i-extend pa ang kanyang anim na buwang panunungkulan bilang PNP chief ng bansa?

Abangan ang susunod na kabanata! ###