Default Thumbnail

Eleazar nanawagang itaas ang sweldo ng mga manggagawa

March 27, 2022 Vic Reyes 455 views

Vic ReyesMARAMING magaganda at makabuluhang reporma ang inilatag ni senatorial candidate Guillermo Lorenzo Eleazar nang pamunuan niya ang Philippine National Police (PNP).

Ang mga repormang ito ay naglalayong hindi lang mapaganda ang serbisyo ng PNP kundi mapabuti rin ang kalidad ng pamumuhay ng mga opisyal at tauhan ng pambansang pulisya.

Kaya kapag nanalo siya sa darating na eleksyon sa Mayo 9 ay bubusisiin niya ang pag-proceso ng mga petisyong humihingi ng umento sa sahod ang mga manggagawa sa bansa.

Ngayon pa nga lang ay nananawagan na si Eleazar sa Department of Labor and Employment (DOLE) na aksyunan na ang mga petisyong humihiling sa pagtataas ng minimum wage.

Marami ang nakaabang sa resulta ng mga petisyon dahil sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin, ayon kay Eleazar na kasama sa tiket nina presidential bet Panfilo “Ping” Lacson at vice presidential candidate Vicente “Tito” Sotto III.

Kung nagawa niyang ayusin ang kalidad ng pamumuhay ng mga opisyal at tauhan ng PNP ay magagawa rin ito ni Eleazar sa mga manggagawa sa buong bansa.

Ang kailangan lang ay tulungan siya ng mga botante sa darating na halalan.

Naniniwala tayo na malaki ang pag-asa ng dating four-star police general na mapapasama sa labin-dalawang winning senatorial candidates sa darating na halalan.

Ang isang bentahe ni Eleazar sa ibang mga kandidato ay kilala siyang “fair and just” na lingkod-bayan.

Sa kanya, walang mangyayaring palakasan kung siya ay maging senador. Ang tama ay tama at ang mali ay mali.

***

Sa tingin natin ay tuloy na tuloy na ang pagbabalik ng dating sigla ng ating ekonomiya.

Nakikita naman natin ito sa pagbubukas ng mga dating saradong business establishments na ikinatuwa ng taumbayan, lalo na ang mga walang trabaho.

Dalawang taong naghirap ang mga tao hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo dahil sa nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).

Kumpara sa ibang bansa, mas mabuti na ang kalagayan ng mga Pinoy. Nagawa nating pababain ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 na nagmula sa China.

Sa ibang bansa ay muling rumagasa ang pandemya dahil siguro sa katigasan ng ulo ng mga mamamayan.

Dito sa atin ay masunurin na ang mga tao. Bihira ang nakikitang walang maskara kapag nasa labas ng bahay.

Ang problema lang ay maliwanag na hindi nasusunod ang social distancing policy ng gobyerno kapag may political rallies o motorcades ng mga kandidato.

Dagsa ang tao sa mga aktibidad na ito upang ipakita ang kanilang suporta sa mga kandidato nila.

Hindi natin masisisi ang mga ito dahil talagang matindi ang Pinoy pagdating sa politika.

Sa totoo lang, pati magkakamag-anak at magkakapit-bahay ay nag-aaway dahil lang sa politika habang ang mga kandidato ay madalas nagkakaayos pagkatapos ng eleksyon.

***

Mukhang hindi mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, dahil sa patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo.

Ayon sa balita, itong linggong ito ay nakatakda na namang tumaas ang presyo ng kurudo, gasolina at gaas ng magigit walong piso.

Umaaray na ang taumbayan dahil hirap pagkasyahin ang kinikita upang mapakain man lang ng dalawang beses ang kanilang pamilya.

Kaya naman kailangang dalas-dalasan ng mga taga-Department of Trade and Industry (DTI) ang pagbisita sa mga shopping mall at pampublikong merkado sa buong bansa.

Hindi puwedeng pabayaang mamayagpag ang mga walang pusong negosyante, kasama na ang mga profiteer at hoarder.

Kailangang may mga masampolang profiteer at hoarder para naman matakot silang mambiktima ng mga mamimili, lalo na sa mga liblib na pook sa buong bansa.

Nandiyan naman ang social media na puwedeng gawing instrumento para maiparating sa mga kinaukulang otoridad ang mga pagmamalabis ng ilan nating kababayan.

Ang kailangan lang ay suporta ng gobyerno sa mga biktima ng mga profiteer at hoarder habang sinusubukan nating ma-revive ang naghihingalong ekonomiya.

Kung hindi tutulong ang gobyerno ay baka maraming kababayan natin ang magutom.

Tama ba kami, Pangulong Duterte?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa#0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE