Darryl

Eksenang Marcos-Ver, naka-welding sa utak

August 2, 2022 People's Tonight 232 views

Hindi nakarating ang yours truly sa grand red-carpet gala premiere ng Viva Films movie na Maid In Malacañang dahil sa antipatikong sipon na dumapo sa ilong ng inyong lingkod.

Eh, may antigen swab test daw sa event so nasyokot ang biyuti ko.

Hindi ko tuloy nalaman kung anu-anong eksena ang isinama ni Direk Darryl Yap sa last 72 hours ng mga Marcos sa Malacañang nu’ng kasagsagan ng Edsa Revolution para patalsikin si ex-President Ferdinand Marcos Sr.

Naka-welding na sa utak ng yours truly ’yung eksena sa live TV na humahangos na pinuntahan ni General Ver si Macoy at tipong stressed na sinabihan nito ang erpat ni PBBM ng mga katagang…

“Dumarami na po ang mga taong nagra-rally sa Edsa. Ano po, bobombahin na po ba namin?”

“Aba, huwag! ’Pag ginawa nyo yan, ang daming mamamatay na tao. Pabayaan na lang natin sila,” ang may sense at may point namang sagot ng erpat ni PBBM or something to that effect.

Oo nga naman. Hindi lang ordinaryong mamamayan ang nag-rally sa Edsa noon kundi ang daming madre at pari.

’Yung mga madlang pipol na karamihan ay kasama pa pati mga “maid” nila.

Eh, kung nagkataon na pumayag si Marcos Sr. noon, di ang daming nadedbol at baka nagka-giyera pa rito sa ’Pinas.

O, sino ng mga panahon na ’yon ang may mabuting puso, kalooban at may utak para sa kabutihan ng lahat?

Kaya nga tipong naiyak ang yours truly nang mapanood sa TV nang live noon na kinukuha na si Marcos Sr. para isakay sa eroplano papuntang Hawaii.

Kasi, in pernes, para kay yours truly lang, ha, just my opinion, maganda ang buhay at ekonomiya ng halos karamihan sa madlang Pinoy noon.

’Yun nga lang, nagkaroon ng Martial Law. Pero hindi naman ganu’n kahigpit ang mga sundalo.

’Pag nahuli kang lumabas nang wala pang 4 or 5 a.m., paglilinisin ka ng CR ng Camp Crame at iba pang PNP camps.

Kaya kami, nagbababad na lang muna sa mga disco tulad din ng ginagawa noon nina PBBM na ang tawag namin at ng kanyang mga kasamang kaibigan ay Bonget.

Pagbabalik-tanaw lang po. And the rest is now history.

Balik-Malacañang na nga ang mga Marcos at isang Marcos na uli ang Presidente ng bansa.

BANGGAANG MARCOS VS MARTIAL LAW

May giyera raw na magaganap sa August 3 sa mga sinehan dahil magsasalpukan sa takilya ang mga pelikulang Maid In Malacañang at Katips na tipong inaabangan ng mga belong sa Marites at Mosang communities.

Walang takot na tatapatan ng producer-actor-writer-lawyer na si Vince Tañada ang Maid In Malacañang para raw mapanood ang karanasan niya nu’ng panahon ng Martial Law.

“This is about the truth and nobody can invalidate my personal experience as a victim of Martial Law kaya masasabi nila sa Maid in Malacañang ‘yung nararamdaman ng pamilya bago sila ipatapon sa Hawaii, ito naman, ‘yung nararamdaman namin nu’ng sila pa ang naghahari at kailangan itong ipakita sa mga tao,” pahayag ni Atty. Vince sa presscon ng kanyang pelikula.

O, siya hala, balikan ang nakaraan sa Katips at Maid In Malacañang dahil as the saying goes… nagbabalik, nagdaraan ang nakaraan.

Boom, may ganern? Kahit na sabihin pang the rest in now part of Philippine history. \

’Yun na!  Ni Mercy Lejarde

AUTHOR PROFILE