Ekonomiya at Kalusugan, Malaki ang Pakinabang sa Medical Cannabis

September 12, 2022 People's Tonight 538 views

RobinUna, para po ba ito sa kapakinabangan ng mga mahihirap, minorya at marhinalisadong sektor ng lipunan? Pangalawa, makatutulong ba ito sa pangkalahatang kabutihan at paglago ng ekonomiya ng ating bayan? Ito ang ilan sa mga pangunahing batayang tanong para sa ating mga isinusulong na panukalang-batas.

Sa parehong tanong, “oo” ang kasagutan sa ating inihaing panukala sa Senado – ang Senate Bill 230, o ang “Medical Cannabis Compassionate Access Act of the Philippines.” Simple lamang po ang ating argumento para sa kaalaman ng lahat. Una, bubuksan natin ang access para sa mas abot-kayang cannabis-based na gamot para sa mga kababayan nating nagdurusa sa malubhang kondisyong medikal; at pangalawa, malaki ang kontribusyon ng medikal cannabis sa pagbubukas ng ating pinto para sa ika-aangat ng ating ekonomiya.

Bilang paglilinaw, ang sakop po ng batas ay medical cannabis lamang —ito po ang mga produktong cannabis na nasa anyong capsule at oil. Kailangan din na ito ay mayroong pharmaceutical formulation kasama ang detalyado at tamang impormasyon tungkol sa konsentrasyon ng tetrahydrocannabinol o THC at cannabidiol o CBD. Sa madaling salita, hindi sinusulong ng ating panukalang batas ang paggamit ng cannabis para sa libangan.

Papayagan ang paggamit ng medical cannabis para sa Compassionate Access ng mga indibidwal na mayroong “debilitating medical condition” tulad ng cancer, multiple sclerosis, epilepsy, glaucoma, positive status ng HIV, AIDS, rheumatoid arthritis, at iba pa, kabilang na ang mga kondisyon na itatakda ng Department of Health.

Malaki po ang maidudulot nitong kaginhawaan sa mga magulang at pasyenteng may sakit tulad na lamang ng mga napipilitang magbayad ng $25,000-$30,000 kada taon para sa preskripsyon ng cannabis-based na gamot sa epilepsy.

Sa kasalukuyan, 70 bansa na sa buong mundo ang nagpasinaya na ng legal na paggamit ng ilang uri ng cannabis para sa medikal na aspeto. Malaki ang tinalon nito mula sa 50 na bansa lamang noong 2019.

Kahit sa Asya na kilala bilang rehiyon ng mga bansang may pinaka-mahigpit na patakaran ukol sa cannabis sa buong mundo, unti-unti nang nabubuhay ang industriya ng medical cannabis.

Malaki rin ang ambag ng industriya ng cannabis sa ekonomiya. Sa Asya pa lamang, mayroong humigit-kumulang 93.8 milyong mga itinuturing na consumers ng cannabis.

Kahit na iilan pa lamang ang nagbukas ng pinto para sa medical use, mayroon ng 91,851 mga rehistradong pasyente ang medikal na cannabis sa rehiyon.

Sa South Korea, legal na simula pa 2018 ang medikal marijuana at iba pang produkto ng CBD bagama’t mahigpit ang pamamahala at pamamahagi dito ng gobyerno.

Nagkakaloob din ang Ministry of Health ng Sri Lanka ng lisensya para sa medikal at siyentipikong paggamit ng cannabis at maaari nang makabili nito sa mga Ayurveda herbal shops.

Ang ibang bansa naman ay una nang binuksan ang pinto sa pagsasaliksik ng bisa ng marijuana bilang gamot. Ang Singapore ay namuhunan ng $18.2 milyon para sa synthetic biology and research and development program. Kasama na rito ang pag-aaral sa cannabinoid genes para sa produksyon ng medicinal na produkto at iba pang derivatives nito.

Noong 2018, ganap ng naging legal ang cannabis para sa paggamit ng gamot at pananaliksik sa Thailand – isang bansa na kilala sa mga mahigpit nitong batas sa narcotics at sikat sa malupit na parusa nito sa mga gumagamit ng droga, kabilang ang death penalty. Nagkaisa din ang kanilang National Legislative Assembly (NLA) na nakakuha ng parliamentary majority vote para maging legal ang medical marijuana.

Hindi mapapasinungalingan ang benepisyo nito sa kanilang ekonomiya. Tinatayang aabot sa $79 milyon o sobra sa P4 bilyon ang halaga ng merkado ng medical cannabis sa kanilang bansa na maari pang pumalo ng $1.2 million sa 2027.

Paano naman po ang Pilipinas?

Kung may kikitain po ang gobyerno, dapat na siguraduhin natin na dadaloy ito sa kapakipakinabang na mga programa at proyekto. Tulad ng paggamit ng ibang mga bansa
sa marijuana tax fund para sa pagpapatayo ng mga gusali ng paaralan sa mahihirap na distrito — madami pong potensyal na serbisyo publiko.

Ang hangarin po natin ay mapabuti ang kalagayan ng ating mamamayan. Batay po sa datos, sa aspetong pangkalusugan man o pangkabuhayan na makabubuti sa lahat ng mamamayan — mabuti ang epekto ng medical cannabis. Buksan po sana natin ang ating puso at isip para sa ating mga Pilipino, para sa ating bayan. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE