EDSA

EDSA busway balak tanggalin ng MMDA

February 5, 2025 Chona Yu 129 views

PINAG-AARALAN na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagtatanggal sa EDSA busway.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na repetitive ang biyahe ng mga bus sa EDSA dahil mayroon namang biyahe ang Metro Rail Transit (MRT) 3.

Layunin din aniya na mabawasan ang mga bumibiyaheng sasakyan sa EDSA.

Ayon kay Artes, lumutang ang pag phase out sa EDSA busway dahil na rin plano ng Department of Transportation (DOTr) na magdagdag ng isang bagon sa mga train ng MRT na mayroong 30% capacity sa bawat trip.

Tatanggalin lamang aniya ang biyahe ng mga bus kung kakayanin na ng MRT na isakay ang lahat ng pasahero.

Sinabi pa ni Artes na hindi rin naman komportable ang bus dahil hindi lahat ng istasyon ng MRT ay mayroong bus station.

Ayon kay Artes, sa sandaling maging libre ang bus lane, gagayahin ito sa Amerika at ipagagamit naman ito sa “high occupancy vehicles” o mga pribadong sasakyan na mayroong tatlo o higit pa na pasahero.

“Kung ma-accommodate naman sa taas sa train ‘yung mga pasahero, we don’t see the need na magkaroon pa ng bus kasi exactly the same route nga siya, and mas bentahe ang train,” pahayag ni Artes.

AUTHOR PROFILE