‘Edca-puwera’ ni Trump
BALIK na si Donald Trump sa White House sa January 2025.
Ang pagkatalo ni VP Kamala Harris ay epekto pa rin ng liderato ni President Joe Biden.
Hindi nakatulong kay Kamala ang narrative ng pamamahala ni Biden kaya dapat maging aral sa mga gusto ng “anoinment” ng mga incumbent ang pangyayaring ito sa American election.
Pero kung usapin ng Pilipinas ang ating isasalang, mukhang magkakaproblema tayo sa Trump presidency. Iba ang foreign policy ni Trump kumpara kay Biden.
Kung inyong matatandaan, pag-upo ni Trump noong 2016, kasama sa mga una niyang polisiya ay ang pagpapauwi sa mga US soldiers na naka-station sa Iraq at kung saan-saang bansa pa na may interest ang Amerika. Ayaw ni Trump na isinusoga ang mga sundalo ng Amerika kung saan-saang may gulo at ginagawang security guard ng mga bansang ginugulo.
Ang gusto ni Trump, unahin ang domestic security bago ang seguridad ng kung anu-anong bansa. Dito papasok ang nakaambang problema ng ating bansa sa Edca o Enhanced Defense Cooperation Agreement.
Sa ilalim ng Philippine-US Edca 2014, pinapayagan ng bansa ang pananatili or magpaikot-ikot ng mga American forces dito. Matapos mapaalis ang US military base sa Subic at Clark, pinagbawalan ng Philippine law ang pagkakaroon ng foreign base-militar dito na nakaistasyon kaya nga madiin ang salitang “rotational” o gumagalaw na military forces ng Kano sa Edca.
Siyam ang Edca sites dito sa atin ngayon: Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro, Antonio Airbase sa Palawan, Mactan Benito Abuen Airbase sa Mactan, Cebu, Camilo Osias sa Sta Ana, Cagayan, Lal-lo Airport sa Cagayan, Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela at Balabac Island sa Palawan din.
Bagama’t sa dami ng problema ng Amerika na daratnan ni Trump mula sa bagsak na ekonomiya, nagsarang mga negosyo dahil sa malawak ng looting at homeless attack sa mga negosyo, sa tingin natin hindi agad mahaharap ng nagbabalik na Pangulo ang kanyang geopolitics.
Huwag nating kalilimutan nariyan pa ang gulo sa Ukraine-Russia, Israel-Palestine, sumingit pa ang Iran at ang girian sa West Philippine Sea.
Pero habang hindi pa mahaharap ni Trump ang “world problem”, maganda na rin sa parte ng Philippine government na makapagahanda sa paparating na taon. Hindi ito maliit na problema na puwedeng ipagpabukas kaya malaking bagay kung may mga emisaryo na tayo papunta kay Trump.
Puwede tayong makinabang sa pagbabalik ni Trump sa White House pero puwede rin tayong maapektuhan kaya mahalagang basahin na rin natin ang kanyang body language.
Kung hindi magbabago ng foreign at security policy ni Trump, humanda na tayo sa paglusaw niya sa Edca dahil baka biglang pauwiin ang mga sundalong Kano na pakalat-kalat sa buong mundo.