Mario Fetalino

Eastern Visayas kopo ng ‘Alyansa’ senatorial bets

March 20, 2025 Mario Fetalino Jr. 182 views

NGAYONG panahon ng kampaya, kanya-kanyang pangako ang mga tumatakbong kandidato. At meron ding mga garantisadong magdedeliber para sa sambayanang Pilipino.

Nitong Marso 14 sa Tacloban City, ipinahiwatig ni Speaker Martin Romualdez na dodominahin ng mga pambato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hindi lamang ang Leyte kundi buong Eastern Visayas.

Kung ang nasa 100,000 supporters na dumagsa sa Plaza Libertad ang pagbabasehan, hindi lamang nagpapahayag ng matapang na prediksiyon si Romualdez kundi isang malinaw na pagpapakita ng reyalidad.

Sa bilang na 1.4 milyong botante sa Leyte at 3.2 milyon sa kabuuan ng Eastern Visayas, nananatiling balwarte ng mga Marcos ang rehiyon, na siyang pinagmulan ng ina ni Bongbong na si dating Unang Ginang Imelda Marcos.

Ang nalalapit na halalan sa Mayo ay nangingibabaw, hindi lamang bilang pangangampanya kundi pagpapakita ng puwersa, pagpapakita ng Eastern Visayas bilang isa sa mga sandigan ng dominasyon ng administrasyon.

“Ang pagkakaisang ipinakita ng ating mga kababayan dito sa Eastern Visayas ay patunay na buo ang suporta natin sa liderato ni Pangulong Marcos,” deklara ni Romualdez.

“Hindi lang ito isang rally—ito ay isang paninindigan na ipagpapatuloy natin ang mga repormang magpapalakas sa ating ekonomiya at magbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa bawat Pilipino.”

Bilang pinuno ng ruling Lakas-CMD, tinitiyak ni Romualdez na ipagkakaloob nila ang buong puwersa ng kanilang political machinery upang makamit ang target na Senate sweep.

Ang boto para sa ticket ng administrasyon ay nangangahulugan ng pagpapatuloy ng kaunlaran, paglikha ng mga trabaho at mas epektibong serbisyo-publiko.

“Ang mga kandidatong ito ay maaasahang magpapatuloy ng reporma ni Pangulong Marcos. Ang boto natin para sa kanila ay boto para sa mas maraming trabaho, mas magandang edukasyon at mas maayos na serbisyong pampubliko,” ani Romualdez.

Bumubuo sa ‘Alyansa’ ticket sina Benhur Abalos, Abby Binay, Ramon Bong Revilla, Pia Cayetano, Ping Lacson, Lito Lapid, Imee Marcos, Manny Pacquiao, Tito Sotto, Tol Tolentino, Erwin Tulfo at Camille Villar. Sa politika, mas matimbang ang bilang.

Sa Eastern Visayas, makikitang hindi lamang prediksiyon o pangako ang mga sinasambit ni Romualdez kundi pasilip na sa landslide victory ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.

AUTHOR PROFILE