E-sumbong mo sa PNP!

May 20, 2021 Marlon Purification 286 views

KAILAN lang umupo si Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP), pero positibo agad ang reaksiyon ng publiko sa kanya.

Sabagay, kung ihahambing talaga sa ‘PR’ ng pinalitan niyang si dating PNP chief Gen. Debold Sinas, hamak na malayong mas malakas ang personality ng mistah niyang si Guillor.

Unang marching order, iyong ‘internal cleansing’ sa buong hanay ng kapulisan. Halos naka-pattern ito sa kampanya kontra ‘Inept, Corrupt at Undisciplined’ (ICU) police official ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson noong chief PNP pa ito taong 1999 hanggang 2001.

Ikalawang kautusan ni Eleazar ay ang paniniyak na wala nang palakasan ngayon sa ‘recruitment’ sa mga gustong mag-apply bilang pulis.

Sa laki kasi ng suweldo at magandang benepisyo ng mga alagad ng batas ngayon, marami nang kabataan ang na-eengganyo na maging pulis, ngunit nahihirapan sa ilang pagsusulit at pagsasanay.

Kaya humihingi na ng paumanhin ngayon pa lang ang magiting na heneral sa mga kaibigan, kakilala at kaanak na gustong maglapit ng mga ipapasok na pulis dahil siguradong tablado sila sa kanya.

“Pasensya na po dahil sa puntong ito, hindi ko po sila pagbibigyan,” sabi pa ng Chief PNP na tinaguriang ‘Darling of the Press.’

Siniguro na rin ni Eleazar ang pagkakaroon ng body camera sa ating mga pulis upang maiwasan ang agam-agam ng pang-aabuso ng pulis sa mga hinuhuli o napapatay na suspect.

Para kay Guillor, proteksiyon na rin ito sa ating kapulisan dahil ito rin ang matibay na ebidensiya na gumagawa lamang sila ng sinumpaang tungkulin.

Kamakailan, inilunsad ni Eleazar ang ‘E-Sumbong Mo, Aksyon Ako reporting system’ sa Cramp Crame.

Layunin nito ang tumanggap ng sumbong mula sa mamamayang Pilipino laban sa mga abusadong pulis, gayundin ang pagkuha ng reklamo hinggil naman sa iba’t ibang uri ng krimen.

“Ang mangyayari rito, pag may nagsumbong ibinabato agad ng computer system ang sumbong sa concerned region/province at station. Sa ganyang paraan, maaaksyunan agad ang sumbong ng mamamayan,” sabi pa ng opisyal.

Ang e-sumbong ay matatawagan o mate-text sa 0919601752/09178475757; gayundin sa kanilang webportal na ‘e-sumbong@pnp.gov.ph.’

Maaari rin aniyang mag-report ang mamamayan laban sa mga may kahinahinalang tao o pangyayari sa kanilang lugar.

Sinisiguro ni Guillor na agad itong aaksiyunan dahil mananagot ang sinumang himpilan ng pulisya na hindi tutugon at reresponde sa hinihinging tulong ng nagsusumbong.

Magkagayunman, nagbabala si Eleazar sa mga prankster o mga tatawag at magte-text nang katuwaan lamang o panloloko. Pinaalala ng ating Top Cop na maaari silang sampahan ng Anti Cyber Crime case sakaling sila ay mahuli.

“At madali natin silang mate-trace dahil sa mga technology natin ngayon kaya ‘wag silang loloko-loko,” sabi pa ni Guillor.

Sa halos dalawang linggo pa lang na panunungkulan ni Eleazar, asahan nating babango na uli ang imahe ng ating kapulisan.

Sabi nga ni Senate President Tito Sotto, “Si Gen. Eleazar na ang susunod sa yapak ni Senador Ping Lacson.”