
E-bike driver nag e-tago na matapos makapatay
PINAGHAHANAP na ng mga pulis ang driver ng e-bike na nagtatago na matapos makapatay ng isang 11-anyos na bata nang mabundol niya sa Navotas City noong Biyernes.
Sumama pang isugod ni Ralph Justine Mahusay, 18, ng E. Mariano St., Brgy. Tangos-South ang biktima sa Tondo Medical Center pero tumakas na nang malamang napatay niya ang bata.
Lumabas sa imbestigasyon ni Navotas police traffic investigator P/Cpl. Dandy Sargento na tumatawid sa A.R. Cruz St., Brgy. Tangos-South ang biktima dakong alas-11:45 ng gabi noong Biyernes nang mabundol ng e-bike na minamaheno ni Mahusay.
Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon ang bata at nabagok ang ulo sa kalsada na ipinalalagay na dahilan ng pagkamatay nito.
Namatay ang bata dakong alas-6 ng umaga ng Sabado.
Sa panayam kay Cpl. Sargento, hindi kaagad naitawag ng duty security guard sa pulisya ang insidente kaya’t nang magresponde siya sa ospital wala na doon ang suspek at hindi na rin matagpuan sa kanilang bahay,
Sinabi ni Sargento na hindi sila titigil sa pagtugis sa binata para matiyak na mabibigyang katarungan ang pagkamatay ng bata.
Inamin ng tiyahin at lolo ng suspek na walang lisensiya si Mahusay.
Nangako ang tiyahin ng suspek na tutulong sila sa para mapasuko ang binata.