BBM Presidential front-runner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Kuha ni VER NOVENO

DZRH Survey: BBM 52.9% tumaas pa lalo

April 22, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 215 views

Leni kulelat sa 24.3%

EKSAKTONG 17 araw bago ang inaabangang May 9 elections, muling pinatunayan ni presidential front-runner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na siya pa rin ang pinakapinipili ng mayorya ng mga Pilipinong botante para maging susunod na pangulo kapalit ni incumbent President Rodrigo ‘Digong’ Duterte.

Ito ay matapos siyang magtala ng 52.9 percent preference rating sa pinakahuling survey na isinagawa ng MBC-DZRH sa buong bansa noong April 18-19 at may kabuuang 7,560 respondents.

Ang preference rating ni BBM ay tumaas pa ng 3 percentage points kumpara sa huling survey na isinagawa ng DZRH noong Marso 12, kung saan ay nanguna rin siya sa 49.8 percent voter preference.

Sa pinakahuling survey ng DZRH ay malayong nakasunod kay BBM si Leni Robredo na may 24.3 percent lamang.

Dahil sa pinakahuling resulta na ito ng survey ng DZRH na gumamit ng higit na mas maraming respondents sa buong bansa kumpara sa ibang pre-election polls, maraming political analysts ang nagsasabi na halos tiyak na tiyak na ang panalo ni BBM sa darating na halalan.

Ang isa pang kakaiba sa survey na ito base na rin sa pahayag ni DZRH- MBC director Neriza Nunag ay gumamit sila ng sample ballots, kung saan doon pipiliin ng mga respondents ang kanilang gustong kandidato.

“Parang tiyak na tiyak na talaga ang panalo ni BBM. Mahirap na siyang gibain sa unang puwesto. Isipin na lang na talagang hindi tulad ng ibang survey na tinatanong lang sa face-to-face o di kaya sa telepono ang mga mga respondents, dito sa DZRH survey ay talagang gumamit sila ng sample ballots,” sabi ng statistician na si Mario na humiling na huwag ng banggitin ang kanyang buong pangalan.

“Ibig sabihin nito ay talagang nag-isip ang mga respondents at iyon nga ang resulta na talagang si BBM pa rin ang pinili nila at ibig sabihin ay hindi na magbabago ang isip nila kahit hanggang sa aktwal na halalan sa Mayo 9,” dagdag pa niya.

Sa pinakahuling survey ay pangatlo si Isko Moreno sa nakuhang 8.2 percent, sumunod si Manny Pacquiao na may 5.8 percent at si Ping Lacson na may 3.6 percent.

Ang running mate ni Marcos na si Davao City Mayor Inday Sara Duterte ay nanguna rin na may 54.2 percent.

Malayong nakabuntot sa kanya sina Tito Sotto sa nakuhang 16.9 percent, Kiko Pangilinan na may 15.1 percent, Willie Ong na may 6.6 percent at Lito Atienza, 1.1 percent.

Ang pinakabagong MBC-DZRH pre-election survey ay pang-apat nang isinagawa ng pinakamatanda at nangungunang radio station sa bansa.

Kung ikukumpara sa iba pang pa-survey na ginawa ng iba pang respetadong polling firms ay halos iisa ang kinalalabasang resulta kung saan ay malayong nangunguna rin si BBM.

Sa March 17-21 nationwide Pulse Asia Survey na kinuha sa 2,400 respondents, si Marcos ay nakakuha ng 56 percent, malayong hindi hamak sa 24 percent ni Robredo.

Sa 1,500 respondents na kinuha ng Publicus noong March 9-14, si Marcos ay may 55 percent at si Robredo ay may 21 percent.

Ang OCTA Research na binubuo ng mga UP professors at iba pang mga taga- academe ay nagpa-survey din sa 1,200 respondents noong nakaraang April. Muling tumaas si Marcos na nakakuha ng 57 percent at si Robredo ay may 22 percent.

May 61 percent naman si Marcos sa Laylo survey, habang si Robredo ay nakakuha lamang ng 19 percent.

Sa March 1-4 Tangere survey, si Marcos ay nakakuha ng 48.75 percent at si Robredo ay may 17.29 percent lang.

Kahit sa mismong radio station ni Robredo kung saan siya may weekly program ay nakakuha lamang ito ng 20.7 percent, malayo ulit na hindi hamak sa 59 percent ni Marcos.

Kinuha ito ng Radio Mindanao Network-Asia Pacific Consortium of Researchers and Educators (RMN-APCORE).

Ang kaalyado ni Robredo na Magdalo Group ay nagpa-survey din nito lamang April 5 to 7.

Tulad ng resulta sa ibang survey firms, si Marcos ay alagwa pa rin ng malayo kumpara sa nakuha ni Robredo.

Si Marcos ay naka-60.9 percent at si Robredo ay maryoon lamang na 23.4 percent.

AUTHOR PROFILE