
Dyowa ni Carlos Yulo, maglalabas ng dalawang kanta
Hindi lang isa kundi dalawang awitin ang ilulunsad ni Chloe Anjeleigh San Jose, a.k.a. Chloe SJ, mula sa StarPop label ng ABS-CBN ngayong buwan.
Si Chloe ang dyowa ng two-time Olympic champ na si Carlos Yulo.
Mapapakinggan ang “FR FR” single ng Filipino-Australian content creator at singer sa Biyernes (Marso 7). Ang FR, FR ay isang internet acronym na ibig sabihin ay ‘for real, for real.’
Ito ay tungkol sa pagtanggap sa uniqueness at pagiging totoo ng isang tao. Isinulat ito ni Trisha Denise at prinodyus naman ni StarPop label head Roque “Rox” Santos.
Ang “Nonchalant” single naman ay ilulunsad sa Marso 21. Ito ay isang kanta na naghihikayat na huwag magpaapekto sa toxic na mundo. Prinodyus din ang kanta ni Rox, na siya ring sumulat kasama si Trisha Denise.
Nakilala si Chloe dahil sa mga natatangi niyang song covers sa social media, partikular na sa YouTube, kung saan mayroon na siyang halos 500,000 subscribers, at sa TikTok, kung saan mahigit 1.3 million na ang kanyang followers.
Taong 2021 noong inilabas niya ang debut single na “Aking Pagmamahal” na mayroon na ngayong higit sa 1.7 million streams sa Spotify at 30 million views sa YouTube.