Duterte ‘naduwag’ sa Quad Comm
MAAARI umanong natatakot si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaya hindi ito dumating sa pagdinig ng House Quad Committee ngayong Huwebes, ayon kay Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano.
Ayon kay Paduano matapos sabihin noong una na dadalo, muling sumulat si Duterte, sa pamamagitan ng kanyang abugado na si Martin Delgra para sabihin na hindi ito pupunta sa pagdinig ngayong Huwebes, Nobyembre 7.
“Naglolokohan tayo dito because the first letter promised us that he will be present after November 1. Kung hindi tayo naglolokohan dito, ano, natatakot siya na pumunta dito?” tanong ni Paduano.
Sa unang sulat, sinabi ni Delgra na hindi maganda ang pakiramdam ni Duterte at kailangan nito ng pahinga. Makadadalo umano sa pagdinig matapos ang Undas.
Sa kabila nito, dumalo si Duterte sa pagdinig ng Senado noong Oktobre 28.
Noong Martes, muling sumulat si Delgra kay House quad-comm overall chairman at Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers upang sabihin na hindi dadalo sa pagdinig ngayong Huwebes.
“This is the second hearing that we invited the former President. Mr. Chairman naglolokohan tayo dito,” ani Paduano.
”Why? Because the first reply made Atty. Delgra representing the former president is that, the excuse is that the former President needs much rest and assured this committee that he will be present in the next hearing at the same time he has a specific date, Mr. Chairman, given to this committee through this letter, after November 1,” sabi pa nito.
“Let me read my chairman in toto the portion of such reply coming from Atty. Delgra. ‘Hence my client respectfully request to defer his appearance before the honorable committee scheduled tomorrow, rest assured that my client’s willingness to appear before the House of Representatives on some other available date preferably after Nov. 1, 2024,'” dagdag pa ni Paduano.
Inaprubahan ng Quad Comm ang mosyon ni Antipolo City 2nd district Rep. Romeo Acop na imbitahan si Delgra at Duterte sa susunod na pagdinig.
Samantala, ikinalungkot nina House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe at House Assistant Majority Leaders Jay Khonghun ng Zambales at Paolo Ortega ng La Union ang hindi pagtupad ni Duterte sa nauna nitong sinabi na dadalo sa pagdinig.
“Sa tingin namin, parang naduwag si dating Pangulong Duterte sa pagdalo sa Quad Comm hearing dahil takot siyang harapin at sagutin ang mas malalalim na katanungan ng mga miyembro ng Kamara at pamilya ng mga biktima ng EJKs na humihingi ng katarungan,” ani Dalipe.
Ayon kay Khonghun kung totoo na nais ni Duterte na malaman ng publiko ang detalye ng kanyang war on drugs dapat itong dumalo sa pagdinig lalo na ang sinabi nito sa pagdinig ng Senado na kanyang inudyukan ang mga pulis na himukin ang mga suspek na manlaban upang magkaroon ng dahilan na patayin nila ang mga ito.
“Ang pag-amin ng dating Pangulo na responsable siya sa mga patayan at ang mga claim na may reward system sa kapulisan ay dapat imbestigahan nang malaliman dahil lumalabas na state-sponsored ang mga pagpatay sa mga low-level drug personalities,” ani Khonghun.
Sa sulat noong Nobyembre 5, sinabi ng abugado ni Duterte na si Atty. Martin Delgra III na hindi na dadalo ang dating Pangulo sa pagdinig na nakatakda ng Nobyembre 7.
Ito ay taliwas sa unang sulat na ipinadala ni Delgra na dadalo si Duterte sa pagdinig matapos ang Undas.
Naniniwala naman si Ortega na hindi dumalo si Duterte sa pagdinig ng Kamara upang maiwasan ang mga tanong kaugnay ng kanyang madugong war on drugs kung saan mga maliliit na drug suspect ang karamihan ng napatay.
Nauna ng iginiit nina Quad Comm co-chairpersons Reps. Bienvenido Abante Jr. at Dan Hernandez na dapat mapanagot si Duterte sa ilalim ng Republic Act No. 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.