DU30 hinamon: Patunayan na mga banta ‘joke only’
HINAMON ng mga lider ng quad committee ng Kamara de Representantes si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at mga kaalyado nito na joke lamang ang mga pahayag nito dati kaugnay ng pagpatay sa mga drug personalities.
Ginawa ng mga lider ng quad comm ang pahayag matapos na sabihin ng kampo ni Duterte na demotion job ang pag-ugnay ng dalawang convict sa dating Pangulo sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lord sa loob ng kulungan sa Davao noong 2016.
“This is the right moment for the former administration, especially the (former) officials and also the former President, to justify that they were correct in saying na yung mga pronouncements ng dating Pangulo were all ah parang jokes or strong words but hindi naman real,” ani Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, chair ng Public Order and Safety panel.
“Ang so basically siguro ito yung pagkakataon nila para patunayan na talagang yung mga sinasabi ng dating Pangulo ay walang katotohanan,” wika pa ng solon.
“We still remember the time when the former President was always saying, ‘Papapatayin kita, maihulog kita sa helicopter’—things like that,” dagdag pa nito.
Sinasabi ng mga opisyal ni Duterte na joke o exaggerated lamang ang mga sinasabi ng Pangulo.
Iginiit naman ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers hindi maaaring isantabi ang mga sinabi nina Leopoldo “Tata” Tan Jr. at Fernando “Andy” Magdadaro na nag-uugnay kay Duterte sa pagpatay sa tatlong Chinese.
Sinabi ni Barbers na ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay marami pang nais na tumestigo kaugnay ng mga pagpatay sa pagpapatupad ng war on drugs ng Duterte administration.
“It was PDEA Director General who reached out to us that these people who were sent to prison and convicted who want to testify on extrajudicial killings (EKJs) because of threats during the previous administration,” sabi ni Barbers.
“We evaluated the situation and sought legal experts for comments, and we saw that their testimony has value because their testimonies are very serious,” wika pa nito.
Si Barbers, chairman ng Committee on Dangerous Drugs., ang overall chair ng quad-committee na nagiimbestiga sa kaugnayan ng iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), patuloy na bentahan ng ipinagbabawal na gamot, at EJK sa ngalan ng war on drugs.
Sinabi nina Tan at Magdadaro na binayaran sila ng tig-P1 milyon matapos mapatay ang tatlong Chinese drug lord sa Davao Prison and Penal Farm.