DU30 BANK WAIVER INAASAHAN
Ginawa ang pangako under oath
DAPAT umanong asahan ng quad committee ng Kamara de Representantes ang pagbibigay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng waiver ng Bank Secrecy Law dahil ginawa nito ang pangako matapos manumpa na magsasabi ng totoo, ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union.
“Doon sa waiver, nakita n’yo naman po, paiba-iba po ‘yung sagot tungkol sa waiver,” ani Ortega, isang miyembro ng Young Guns ng Kamara, sa press briefing ng Lunes.
“Nagbitaw siya (Duterte) under oath so inaabangan lahat ‘yan,” dagdag pa ng kongresista.
Ipinunto rin ni Ortega ang paiba-ibang pahayag ni Duterte na noong una ay payag na payag na magbigay ng bank waiver, pero kinalaunan ay sinabi na kailangan muna nitong konsultahin ang kanyang misis dahil joint account umano nila ito.
“Noong una, mag-execute ng waiver. Noong mayroon na tayong ginawang waiver sa Quad, magpapaalam sa asawa,” sabi ni Ortega.
Ipinunto naman ni Ortega na ang joint account ay kina Duterte at Vice President Sara Duterte at hindi siya at sa kanyang asawa, batay sa testimonya ni dating Sen. Antonio Trillanes IV.
Ayon kay Ortega, nag-iiba ang sagot ni Duterte.
“Iba-iba po ‘yung sagot doon sa 2nd floor, iba sagot sa hagdanan, pagdating po sa ground floor iba na naman po ‘yung sagot,” paliwanag ni Ortega.
Sa kabila nito, sinabi ni Ortega na babantayan ng komite ang magiging aksyon ni Duterte dahil ginawa nito ang pangako na magbibigay ng waiver matapos na manumpa na magsasabi ng totoo sa pagdinig.
Sinabi ng solon na naghahanda na ang quad comm upang maging maayos ang susunod nitong pagdinig.
“Sa Quad po, inaayos pa para sa next hearing maguusap-usap po muna siguro ‘yung members ng Quad para po ilatag ng maayos ‘yung next na hearing,” sabi pa nito.
Ang mga susunod na hakbang ng quad comm ay mahalaga sa gitna ng mga tanong kaugnay ng pagkakaroon ng transparency at accountability ng dating pangulo.