Default Thumbnail

Drug suspek sa Baseco timbog

June 2, 2023 Jonjon Reyes 273 views

BITBIT ang isang warrant of arrest ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD), naaresto ang isang 24-anyos na suspek na sangkot sa iligal na kalakaran ng ipinagbabawal na droga sa Baseco Market, Barangay 649 Port Area, Maynila, Huwebes ng hapon, Hunyo 1, 2023.

Ayon sa pulisya, gumagamit ang suspek ng alyas na “Candy” na nakatira sa Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Batay sa ulat na isinumite ni Police Captain Rufino Casagan, hepe ng MPD- DPIOU, kay P/Col. Samuel Pabonita, chief ng DID-MPD, bandang 5:40 ng hapon, nang isagawa ang pag-aresto sa dalagang suspek sa nasabing lugar.

Sa tulong ng isang impormante, natunton ng mga operatiba ang kinaroroonan ng suspek, sa pangungana ni P/Cpt. Veronica Apresurado, team leader ng grupo, dala ang arrest warrant na inisyu ni Judge Grace P. Chavez Ty ng Regional Trial Court Branch 177 ng Maynila dahil sa kasong paglabag sa RA (Republic Act) 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na may inirekomendang piyansang P200,000.

Kabilang din ang suspek sa listahan ng “most wanted person” (district level) dahil sa iligal na droga.

Agad naman nagpaabot ng mensahe si “The Game Changer General” MPD Director PBGen. Andre P. Dizon bilang pasasalamat at papuri sa mga operatiba ng DPIOU (District Police Investigation Operation Unit) dahil sa ikinasang operasyon laban sa suspek.

AUTHOR PROFILE