
Driver ninenok CP ng pasahero, kulong
SA selda ang bagsak ng 40-anyos na jeepney driver matapos ibulsa ang cellular phone ng kanyang pasahero sa Malabon City noong Sabado.
Dumadaan sa P. Aquino St. dakong alas-4:45 ng hapon ang jeep na minamaneho ng suspek na si alyas Arnel, ng Brgy. Tonsuya, Malabon nang isilid sa kanyang bulsa ang cellular phone ng babaeng pasahero.
Sa report nina P/SSg. Ernie Baroy at P/SSg. Bengie Nalogoc kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, napuna ng biktima ang paninikwat sa kanyang mobile phone kaya’t nagsisigaw na humingi ng tulong nang makita ang mga pulis na nagpapatrulya sa P. Aquino St.
Pinahinto nina P/SSg. Odracir Salazar at P/Cpl. Jesus Kristoffer Mercado ang jeep ng suspek. Nang kapkapan, nabawi sa kanya ang cellular phone na nagkakahalaga ng P10,000.
Ayon kay Col. Baybayan, sinampahan na ng kasong pagnanakaw ng biktima ang suspek.