LTO

Driver ng colorum na van kakasuhan ng LTO

June 15, 2024 Jun I. Legaspi 412 views

NIHAHANDA na ng Land Transportation Office (LTO) ang kasong kriminal laban sa driver ng colurum na sasakyan sa Los Baños, Laguna.

Itinurn-over na sa mga pulis si Brillo Jailey Adremisin, driver ng van (NDF 7889), para masampahang kaukulang kaso, ayon sa LTO.

Hinuli si Adremisin at in-empound ang van niya matapos maglabas ng kautusan ang LTO na nangangailangan ng court order para mailabas ang nakumpiskang sasakyan sa operasyon laban sa colorum kahit na magbayad ang may-ari ng multa.

Pinuri ni LTO Chief assistant secretary Atty. Vigor Mendoza II ang LTO-Region IV-A dahil sa agresibong kampanya laban sa colorum na public utility vehicles (PUVs).

“Magpapatuloy ang agresibong operasyon ng inyong LTO sa buong bansa. Kaya ngayon pa lang pinapayuhan na natin ang mga operator at driver ng colorum vehicles na tumigil na at lumagay sa tama,” ani Mendoza.

Bigo si Adremisin na magpakita ng Certificate of Public Convenience (CPC) nang i-flag down ng isang team mula sa LTO-4A ang sasakyang kanyang minamaneho.

Sinabi ng 11 pasahero ni Adremisin sa LTO na nagbayad sila ng P500 bawat isa para sa biyahe mula Real, Quezon patungong SM Calamba.

AUTHOR PROFILE