Driver

Driver ng Chedeng sa Makati road rage suspendido na sa pagmamaneho

May 30, 2024 Jun I. Legaspi 154 views

PINATAWAN na ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw na preventive suspension sa pagmamaneho ang driver ng itim na Mercedes Benz na sangkot sa pamamaril sa Makati City noong Martes.

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, kakasuhan si Gerrard Raymund Yu ng Reckless Driving sa ilalim ng Section 48 ng Republic Act 4136 na may kaugnayan sa I-E ng Joint Administrative Order 2014-01; at Improper Person to Operate a Motor Vehicle sa ilalim ng Section 27(a) ng RA 4136 na may maximum penalty ng pagkakansela ng lisensya.

“We already issued a Show Cause Order against him and since he is already under police custody for a case that is non-bailable, he was directed to submit a notarized affidavit on why he should not be penalized,” ani Assec Mendoza.

Nauna nang ipinag-utos ni Mendoza ang imbestigasyon sa insidente matapos humingi ng tulong ang Philippine National Police (PNP) sa LTO para matukoy ang may-ari ng itim na Mercedes Benz na ang driver itinurong bumaril at nakapatay kay Aniceto Mateo, 65, dahil sa road rage sa Makati City noong Martes ng hapon.

Naglabas ng SCO si LTO-National Capital Region Regional Director Roque Verzosa III laban sa may-ari ng sasakyan sa Las Piñas City.

Nauwi ito sa operasyon ng pulisya sa Las Piñas City at napag-alamang hindi ang rehistradong may-ari ang nagmamaneho.

Natunton ng mga imbestigador ng pulisya si Yu sa kanyang bahay sa Pasig City kung saan natagpuan din ang Mercedes Benz kasama ang dalawang baril, isa sa mga ito ay tumugma sa bala na ikinamatay ni Mateo.

Sinabi ni Assec Mendoza na hihingan ng paliwanag ang rehistradong may-ari kung bakit si Yu ang nagmamaneho ng itim na Mercedes Benz.

Dagdag pa niya, parehong hihingan ng paliwanag ang rehistradong may-ari at si Yu kung bakit may dalawang plaka na nakumpiska sa operasyon (BCS77 at DAB 9670) na nakakabit sa sasakyan ng inaresto si Yu.

“These are all part of the due process. What is important here is that it sent a strong message that the PNP and the LTO are working together to address this crime,” ani Mendoza.

AUTHOR PROFILE