Knife

DRIVER NAPAGOD PUMADYAK, NANAKSAK!

June 20, 2023 Zaida I. Delos Reyes 1178 views

1 patay, 3 sugatan

ISA ang patay habang tatlo ang nasugatan matapos na manaksak ang isang pedicab driver na umano’y napapagod nang pumadyak sa Mangaldan, Pangasinan.

Kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng nasawing biktima habang isinugod sa pagamutan ang mga nasugatan na sina Jessie Malanog, Condi Soriano at isang babae na hindi na rin pinangalanan.

Arestado ang suspect na nakilalang si Rey Pilapil, 40, padyak driver at residente ng Barangay Bantayan.

Nauna rito, nagsabi pa raw ang suspect sa kanyang live-in partner na napapagod na ito sa kanyang trabaho bilang padyak driver at nagtungo umano sa isang barangay hall upang ipaalam ang kanyang gagawin.

Sa ulat ng pulisya, lumabas ng bahay ang suspect at naabutan sina Malanog at Soriano na pawang mga pedicab driver na nag-iinuman at agad umano niya itong pinagsasaksak.

Nang makitang nakahandusay na ang mga biktima ay umalis ang suspect patungo sa barangay Pugo kung saan nanaksak umano ng dalawa pa.

Isa sa mga nasaksak na lalaki ang napuruhan habang isinugod sa pagamutan ang babaeng niktima.

Matapos ang insidente ay tumakas ang suspect subalit naaresto rin siya ng mga rumespondeng alagad ng batas.

Sinabi ng live-in partner ng suspect na si Maribel Bautista na wala naman silang pinag-awayan ng suspect at posibleng dahil lamang sa kalasingan kung kaya’t nagawa nito ang krimen.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.