Mariano

Driver na may no license na baril tiklo sa checkpoint

September 23, 2023 Edd Reyes 135 views

HINDI nakalusot sa checkpoint ng pulisya ang 41-anyos na lalaki na umano’y driver at security ng hindi binanggit na personalidad nang mahuli sa pagdadala ng baril Sabado ng madaling araw sa Pasay City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Roderick Mariano ang natimbog na si Melecio Peralta, ng No. 20 D. Saint Joseph St., Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at R.A. 7166 o ang Omnibus Election Code sa Pasay City Prosecutor’s Office ang nahuli.

Nahuli ang suspek nang dumaan sa Comelec checkpoint sa CCP Complex Police Sub-Station 1 sa pangunguna ni P/Capt. Criz Antonio Cataluna sa kanto ng Service Road ng Roxas Boulevard at Antipolo St. Brgy. 10 dakong alas-3:50 ng madaling araw.

Nang hilingin ng pulisya na makita ang lisensiya ng suspek, lumabas ang puluhan ng kanyang baril nang kunin ang lisensya.

Nang mabigo ang suspek na maipakita ang kanyang Comelec gun ban exemption, dinakip na siya ng pulisya at kinumpiska ang dala niyang kalibre .45 pistol na may walong bala sa magazine.

AUTHOR PROFILE