Estafa

Driver kumuha ng police clearance, huli sa 3 kaso

November 7, 2024 Edd Reyes 77 views

BIGONG makakuha ng police clearance ang 40-anyos na driver nang dakpin siya ng pulisya bunga ng kinakaharap na kaso Lunes ng hapon sa Las Piñas City.

Hindi na nakaalis sa sangay ng tanggapan ng Records and Clearance Section ng National Police Commission (NPC) ang akusadong si alyas “Rowell” nang isilbi sa kanya ng mga tauhan ng Las Piñas Police Warrant and Subpoena Section ang warrant of arrest kaugnay sa kanyang kasong estafa, may tatlong taon na ang nakalilipas.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, natuklasan ng Records and Clearance Section na may nakabimbing warrant of arrest ang akusado na inilabas ni Paranaque Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ramsey Domingo G. Pichay ng Branch 88 noon pang Pebrero 17, 2021 para sa kasong estafa.

Sa kabila ng may inilaang piyansang P6,000 ang hukuman para sa kanyang pansamantalang paglaya, minabuti ng akusado na balewalain ang kaso na dahilan ng kanyang pagkakadakip.

Sa kanyang pahayag, hinimok ni BGen. Yang ang mga may kinakaharap na usapin na sumunod sa legal na panuntunan at harapin ang mga kasong nakasampa laban sa kanila bago kumuha ng police clearance.

AUTHOR PROFILE