Default Thumbnail

Drive-thru vaccination, swab test site sa Maynila, nakatakdang isara

May 23, 2022 Edd Reyes 248 views

NAKATAKDA ng isara sa publiko ang 24/7 drive-thru vaccination at swab test site na libreng isinasagawa sa Quirino Grandstand sa Luneta sa darating na Hunyo 7, 2022.

Ito ang ini-anunsiyo ni Manila Mayor Isko Moreno sa kanyang pag-uulat sa “The Capital Report”, isang programa ng Manila Public Information Office kung saan inihahayag niya ang mga kaganapan at mga magaganap sa Lungsod ng Maynila.

Sa napipintong pagsasara ng drive-thru vaccination at swab test site, pinayuhan ng alkalde ang publiko na nagnanais magpasailalim sa libreng swab test na magtungo na lamang sa alinmang anim na mga District Hospitals sa lungsod habang ang mga gustong magpa-bakuna laban sa COVID-19 ay maaaring magtungo sa mga mall, health centers, ilang pampublikong paaralan, Manila Zoo at gayundin sa mga District Hospitals.

Nagpasalamat naman si Mayor Isko kay Director Arnel Angeles ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at sa kanyang mga tauhan dahil sa 24 na oras na serbisyong ipinagkakaloob nila sa mga motorista na matiyagang nagtutungo sa kanilang drive-thru vaccination and swab test site.

Hindi rin pinalagpas ng alkalde ang pagkakataon upang muling magpaabot ng taos-puso niyang pasasalamat sa mga sa mga doktor, nurses at lahat ng mga medical health workers na dahilan upang makapagbigay ang Lungsod ng Maynila ng regular na serbisyong pangkalusugan, pati na ang wastong pangangalaga sa mga tinamaan ng mapanganib na virus mula sa COVID-19.

Sa mga nagnanais malaman ang mga schedule at lugar kung saan maaaring makapagpa-bakuna ng una at ikalawang dose ng bakuna, gayundin ang mga kuwalipikado ng tumanggap ng booster shots, maaari nilang bisitahin ang Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso sa Manila Public Information Office. Ni Edd Reyes

AUTHOR PROFILE