Default Thumbnail

DPWH Regional Office 1 naghakot ng parangal

September 11, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 400 views

SA isinagawang Department of Public Works and Highways (DPWH) Unified Directors Meeting nitong Biyernes, ika-10 ng Setyembre, pinarangalan ang DPWH Region 1, sa pamumuno ni Regional Director Ronnel M. Tan (RD Tan), bilang ‘Top Performing Implementing Unit” ng nabanggit na ahensya ayon sa pinaka-bagong datos na inilabas nitong huling bahagi ng buwan ng Agosto 2021.

Magkabilaang papuri ang natanggap ni RD Tan mula sa iba’t-ibang mga sektor lalu na mula kay DPWH Secretary Mark Villar. Ayon sa kalihim, ang tagumpay ng DPWH Region 1 ay nagpapatunay ng dedikasyon sa serbisyo at galing sa pamamahala ng direktor kasama ang lahat ng bumubuo ng nabanggit na lokal na tanggapan.

Lubos namang tinanggap ni RD Tan ang iginawad ng parangal, kung saan personal nitong pinasalamatan ang lahat ng mga kasamahan na kanyang inilarawan bilang masisipag at maaagap na mga kawani sa pang-araw araw na mga suliranin ng lokal na tanggapan.

Batay sa inilabas na datos, nahigitan ng DPWH Region 1 ang target nitong 87% Absortive Capacity o ang tamang paglaan o paggamit ng budget sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act na nakalaan sa kagawaran, habang umabot naman ng 97% ang kabuoang performance rating nito.

Nanguna rin ang DPWH Region 1 sa wasto at mabilis na paglalaan ng pondo sa unang bahagi ng taong 2021. Ito ay nakamit sa pamamagitan ng mabilis pamamahagi ng pondo sa mga isinasagawang proyekto ng DPWH sa naturang rehiyon.

Si RD Tan ay hindi na bago sa mga pagkilalang ito. Kung matatandaan, ang direktor ay minsan nang nabigyan ng iba’t-ibang pagkilala sa husay at galing nito sa pamamahala tulad ng pagiging most awarded Regional Field Executive sa mga nakalipas na taon. Ang kasalukuyang parangal na natanggap ng DPWH Region 1 ay magsisilbing inspirasyon sa lahat ng bumubuo ng Regional Office upang mas lalung gampanan ang kanilang mga tungkulin ng higit pa sa inaasahan sa kabila ng panganib dulot ng Covid-19.

AUTHOR PROFILE