Default Thumbnail

Dolomite Beach nasasalaula dahil sa mga pasaway

September 28, 2022 Edd Reyes 378 views

Edd ReyesMUKHANG wala na yatang pag-asang magkaroon ng wastong disiplina ang maraming mamamayan pagdating sa wastong pagtatapon ng basura kahit batid na nilang nagiging sanhi ito ng pagbaha at panganib sa kalusugan.

Tingnan na lang natin ang Manila Baywalk Dolomite Beach sa Roxas Boulevard na ginastusan ng national government ng milyong halaga ng salapi para maging tourist spot pero sa tuwing may darating na bagyo, naiipon pa rin dito ang isang tambak na basura na itinatapon ng mamamayan kung saan-saan.

Dinadagsa na nga ng mga lokal at banyagang turista ang Dolomite Beach dahil maganda ang naging resulta sa pagsasa-ayos nito na pinangasiwaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) pero ang nangyayari, natatabunan ng basura ang malaking bahagi ng beach kapag may bagyo.

Para sa pangkalinawan, hindi naman lahat ng nakokolektang basura sa Dolomite Beach ay kagagawan ng mga Manilenyo dahil kahit papaano, mas marami na ngayong mga residente ng Maynila ang natuto na ng wastong pamamaraan sa pagtatapon ng basura.

Tingnan na llang natin ang mga malalaking estero na dati’y puwedeng lakaran ng tao dahil sa dami ng basura tulad ng Bambang at Tayuman creek, ang Estero de Magdalena, Binondo Creek at marami pang iba na ngayon ay maayos na ang daloy ng tubig dahil wala na ang tambak na basura at palagian ding nililinis ng mga “Estero Rangers” ng Department of Public Service (DPS) ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Baka naman panahon na para amiyendahan ang R.A. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act para dagdagan ng mas matalas na ngipin tulad ng malaking multa at kaparusahan sa mga pasaway ng sa gayon ay magkaroon na ng disiplina ang mamamayan sa wastong pagtatapon ng basura.

Col. Ferdinand del Rosario minalas sa puwesto

MARAMI ang nalungkot nang malasin at masibak bilang hepe ng Caloocan Police si P/Col. Ferdinand Del Rosario, kabilang na rito ang mga miyembro ng media.

Mahigit isang linggo pa lang kasi sa puwesto si Col. Del Rosario na “darling of the press” nang maupo bilang hepe noong Setyembre 16 pero kaagad sinibak ni PNP Chief Lt. Gen. Rodolfo Azurin nito lang Setyembre 25 dahil hindi raw naging maayos ang pag-iimbestiga ng kanyang mga tauhan sa kaso ng 19-anyos na dalaga na nag-viral sa social media habang pilit na pinasasakay ng isang lalaking nagpakilalang pulis na kanyang motorsiklo.

Sinampahan pa nga ng pulisya ng kasong libelo at paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code o ang “Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances” pero pumalag ang babae at humingi ng tulong sa batikang radio anchorman na si Anthony Taberna at dito niya ipinaliwanag ang kanyang panig.

Ang problema kasi sa pag-iimbestiga ng mga tauhan ni Col. Del Rosario, hindi pa man nila nahuhuli ang lalaking nasa video na pilit na pinasasakay ang dalaga, kaagad silang naniwala na magkakilala talaga ang dalawa, batay sa nakita sa isa pang CCTV footage kung saan magka-angkas ang dalawa.

Kung tutuusin, noon pa kuwalipikado si Del Rosario na maupo bilang COP sa panahon pa ni Mayor Oca pero dahil naantala ang kanyang promotion, hindi kaagad siya naitalaga. Sayang ang marami pa sanang plano ni Col. Del Rosario sa kanyang sinilangang lungsod na malabo na niyang maipatupad dahil magreretiro na siya sa susunod na taon.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].

AUTHOR PROFILE