Default Thumbnail

Dokumento ng parolado, nawawala

November 25, 2022 Allan L. Encarnacion 379 views

Allan EncarnacionLUMAPIT sa atin ang kaibigan ng pamilya ng isang preso sa Munti na nahatulan dahil sa kasong pagpatay o homicide.

Si Danilo Llioso Aranzanso na may Prison No. 221 P-0868 ay nahatulan ng korte na makulong mula 8 hanggang 14 taon dahil sa kanyang kaso.

Karaniwan, kapag 8-14 ang sentensiya, puwede ka nang mag-apply ng pardon sa ikawalong taon, minsan nga mas maaga pa depende sa GCTA o Good Conduct Time Allowance.

Ang GCTA ay mga magagandang asal ng preso sa selda na nagiging dahilan para mabawasan ng araw ang iyong sentensiya.

Noong panahon umano ni dating Justice secretary Vitalliano Aguirre, mga taong 2016-2017; nag-apply na sana sila ng pardon pero alam naman natin na sandali lang ang kalihim sa kanyang posisyon.

Ang problema, nang mag-followup ang pamilya sa DOJ, hindi na makita ang dokumento ni Aranzanso. Puwede pala iyon? Mawawala ang iyong dokumento sa isang ahensiyang dapat nag-iingat nito?

Ang tanong, wala bang central data base ang Bureau of Pardon and Parole para sa mga bilanggo natin na posibleng entitled na maagang paglaya?

Gusto nating linawin na wala tayong intensiyong kunsintihin ang kasong pagpatay. Kailan man ay hindi magkakaroon ng puwang sa sibilisadong lipunan ang anumang krimen, lalo na ang pagpatay.

Ang binabanggit lang natin dito, naparusahan na ang akusado, napagsilbihan na ang mahigit pa sa minimum na sensiya, hindi naman siguro kalabisan na asikasiuhin naman ng gobyerno ang paglaya nito at pagbabagong buhay.

Naniniwala tayong handa na sa bagong buhay si Danilo at sa tingin natin ay pinagsisihan na niya ang kanyang pagkakasala.

Nanawagan tayo kay Justice Secretary Boying Remulla na magkaroon din ng imbentaryo sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na entitlted na sa pardon and parole para na rin sa kampanyang mapaluwag ang ating mga bilangguan.

Tuwing sumasapit ang panahon ng Pasko, pumipirma ang Presidente ng Republika ng mga nabibigyan ng pardon and parole dahil nga bahagi ito ng social responsibiltiy ng gobyerno na maibalik sa laya ang mga presong handa nang magbagong buhay at nakapagsilbi na ng kanilang minimum na sensiya.

Sana lang ay makita ang dokumento ni Aranzanso para kasama na siya sa mga lalaya ngayong Christmas season.

Nananawagan din tayo sa mga kaibigan natin sa Public Attorney’s Office na sandigan ng mga kababayan nating walang kakayahang magbayad ng legal services na matulungan ang pamilya ni Danilo na maiproseso ang kanyang paglaya.

[email protected]