Marasigan

DOE: Suplay ng kuryente sapat sa kabila ng epekto ng El Niño

February 22, 2024 Chona Yu 91 views

WALANG nakikitang problema ang Department of Energy (DOE) sa suplay ng kuryente sa bansa sa kabila ng nararanasang El Niño.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DOE Assistant Secretary Mario Marasigan na sapat ang suplay ng kuryente na kailangan hanggang summer period.

Tinukoy ni Marasigan ang kasalukuyang projection sa peak demand na aabot ng halos 14,000 (13,917) megawatts sa huling bahagi ng Mayo o Hunyo.

Mas mataas ito kumpara sa 12,600 megawatts noong nakaraang pero.

Pero sabi ni Marasigan, dahil sa binuksang Mindanao-Visayas Interconnection Project ng NGCP, nadagdagan pa ang kapasidad sa kuryente ngayong taon.

Kaya anyang mag-suplay ng mga planta sa Mindanao kung kakailanganin ng Visayas at kahit hanggang Luzon.

Pinaalalahanan ng DOE ang mga power generating utility tungkol sa preventive maintenance program.

Ayon kay Marasigan, dapat naaayon sa Grid Operating Management Program ang schedule ng kanilang maintenance.

Ibig sabihin, hindi pwedeng magpatay ng mga planta o magkaroon ng maintenance schedule activities sa kasagsagan ng malaking demand sa kuryente partikular sa summer period.

Sinabi ito ni Marasigan nang ipaliwanag na hindi lang naman kakulangan ng suplay ng kuryente ang sanhi ng power outages kundi sa kondisyon minsan ng transmission facilities at distribution level.

Kaya naman ayon sa opisyal patuloy ang koordinasyon ng DOE sa stakeholders para masigurong na hindi magkaka-aberya sa suplay ng kuryente.

Sa transmission facilities, sabi ni Marasigan ay pinaalaahanan na rin ang mga ito na tiyaking regular ang pag-iinspeksyon sa kanilang mga linya.

AUTHOR PROFILE